top of page

'Pinas, 'di kapos sa pondo kundi kulang sa mga opisyal na may utak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 13, 2023
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | May 13, 2023



KINUMPIRMA na ang deklarasyon ng yellow alert kaugnay sa kakapusan ng suplay ng kuryente.


Iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) sa mga local government unit na bumuo ng task force. Klap, klap, klap!


◘◘◘


HINDI malinaw kung anong klase ng aksyon ang gagawin ng LGUs. Iisa lang naman ang solusyon dito, maglagay o bumili ng generator o mamigay ng solar panel.


Mayroon bang ganyang pagkilos ang LGU? Wala!

◘◘◘


NAGTATAKA tayo dahil imbes na ibigay ang cash assistance sa mga tao na karaniwang ipinangsusugal lamang, bakit hindi magbadyet o magpondo para sa pamimigay ng solar panel?


Kung pumunta si P-BBM sa China, bakit walang government-to-government agreement para sa malakihang pag-import ng solar panel?!

◘◘◘


KUNG bilyun-bilyong piso o trilyong piso ang nilustay at dinambong sa panahon ng pandemya, bakit hindi magbadyet ng trilyong piso para sa solar panel o windmills?


Sentido kumon ‘yan, pero hindi ginagawa ng gobyerno.

◘◘◘


HINDI kakapusan ng pondo ang problema sa Pilipinas.


Bagkus, ang mga opisyal ay kapos sa ‘utak’.

◘◘◘


WALANG outstanding executive na ipinupuwesto sa gobyerno, bagkus, ginagamitan lamang ng padrino ang mga itinatalaga.


Isang klase rin ‘yan ng graft and corruption.

◘◘◘


KAKAMBAL at kasingkahulugan ng dispalinghadong opisyal ng gobyerno ang pandarambong sa kaban ng bayan.


Hindi ito simpleng sakit sa loob ng burukrasya, bagkus, higit pa sa isang epidemya na walang pambakuna.

◘◘◘


MATAGAL pa bago matapos ang giyera ng Russia at Ukraine.


Posibleng makisabay d’yan ang pagkubkob ng China sa Taiwan.

◘◘◘


NAGSASALIMBAYAN ang pagdalaw ng mga lider sa China.


Nagreregodon naman ang mga national leader sa pakikipag-usap sa kapwa lider ng ibang bansa.

Lihim na signos ito ng isang digmaan na sinisikap mapigilan.

◘◘◘


HINDI mapigilan ang pagkabangkarote ng malalaking bangko sa United States.


Kung hindi immune ang America sa financial meltdown, paano makakaligtas ang Pilipinas?

◘◘◘


NEGATIBO ang impresyon ng mga negosyante sa pagkabangkarote ng mga bangko sa U.S.


Siyempre, iiwasan ng mayayaman na magdeposit ng malaking halaga sa mga bangko.


Hindi nila maloloko ang mga kapwa nila tuso.

◘◘◘


LIGTAS ang mga bumbay sa pagbagsak ng mga bangko.


Bakit? Ang bulto ng kanilang cash ay nasa milyun-milyong vendors sa kalye.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page