'Pinas, damay 'pag gumamit ng nuclear weapons ang Russia, dasal pa more!
- BULGAR
- Mar 28, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | March 28, 2022
NASORPRESA ang lahat nang biglang lumayas si Bebot Alvarez ng Partido Reporma mula sa kampo ni Sen. Ping Lacson.
Tila dagang walang masulingan si Bebot.
◘◘◘
IMBES makatulong sa kampo ni VP Leni, nagbinhi lang siya ng intriga.
Kasi naman, ilang oras lang matapos ihayag ang paglipat, pumalag agad ang mga Kakampink ni VP Leni.
◘◘◘
KASI naman, kapag nag-search sa Google tungkol sa mga ulat kay Alvarez, bubungad agad ang mga report kung paano niya inupakan si VP Leni nang kontrolado pa nito ang Kamara bilang Speaker.
Ibig sabihin, tinangka niyang patalsikin si VP Leni at ito ay kinumpirma niya nang humingi siya ng paumanhin.
◘◘◘
SA pagbibitiw ni Lacson mula sa Partido Reporma ni Alvarez, napingasan ito ng mga matitigas na lider at mga miyembro.
Kumalas na rin kasi sa Partido ang mga opisyales mula sa Cavite.
◘◘◘
MALINAW na walang patol si Alvarez at maging si Robredo.
Paano mapagkakatiwalaan ng kampo ni Robredo si Alvarez na naging mortal nilang kaaway?
◘◘◘
SA katindihan ng intriga noong 2017, narito ang patutsada ni Alvarez kay Robredo : “Kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na mayroong isang napakakapal ng mukha na isang official ng gobyerno ay nagpadala ng [video] clip... para sirain ang ating bansa”.
Hindi ito malimutan ng mga diehard Leni.
◘◘◘
TINUTUKOY dito ni Alvarez ang pagbatikos ni Robredo sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte — na kaibigan at kaalyado rin ng mga panahong iyon ng dating House Speaker.
Binalak din noon ni Alvarez na maghain ng impeachment complaint laban sa bise presidente pero walang nangyari.
◘◘◘
TATAAS muli ang presyo ng petrolyo sa linggong ito.
Parang roller coaster ang ekonomiya ng bansa.
Matagal pa kasi bago matapos ang giyera ng Russia at Ukraine.
◘◘◘
SA Pilipinas, nagbalikatan sa isang joint military exercise ang AFP at US troops.
Ginanap ito sa iba’t ibang panig ng bansa.
◘◘◘
MAY ulat kasi na umaali-aligid sa karagatang sakop ng Pilipinas ang military ship ng US.
Parehong nasa karagatan ng Taiwan at China ang battleships ng US at China na nagpapatindi ng tensiyon.
◘◘◘
AKTUWAL na ibinabala ni Digong na sakaling gumamit ng nuclear weapons ang Russia, walang duda na madadamay na mismo ang Pilipinas.
Inamin ni Digong na walang dahilan para hindi makipagtulungan ang Pilipinas sa US dahil sa mutual defense treaty.
◘◘◘
MALINAW ngayon na sa kabila ng pagkawala ng COVID, mas grabe ang krisis na naghihintay.
Ito ay ang ikatlong digmaan pandaigdig.
Magdasal tayo nang walang patid.








Comments