by Info @Brand Zone | March 6, 2023
Siniguro ni Emmanuel R. Ledesma Jr., Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth na ipatutupad ng ahensya ang mas pinagbuti at pinalawak na mga benepisyo ngayong taon. Ito ay kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na anumang pagtataas sa kontribusyon ay kinakailangang may kaakibat na balik sa mga benepisyo.
Inanunsyo kamakailan ng PhilHealth na epektibo na noong Pebrero 14, 2024 ang 30 porsyentong taas-benepisyo sa karamihan sa mga case rates packages nito. Ayon kay Ledesma “ ang pagbabagong ito ay makatutulong nang malaki sa mga pasyente lalo na at naapektuhan ng inflation pati ang gastusin sa pagpapagamot”.
Idinagdag din ni Ledesma na magkakaroon ng 1,300 porsyentong pagtaas ang kanilang Z Benefit Package sa breast cancer sa P1.4 milyon mula P100,000. Noong 2023 ay sinimulang ipatupad ng PhilHealth ang pagpapalawak ng benepisyo para sa hemodialysis mula 90 sa156 sesyon.
Dahil dito, ang taunang benepisyong natatanggap na ng mga pasyenteng may CKD 5 (Chronic Kidney Disease Stage 5) ay pumapalo na sa P405,600 mula sa dating P234,000.
Nagkaroon din ng halos 200 porsyentong pagtaas ng benepisyo para sa ischemic stroke mula 20,000 na naging 76,000, at hemorrhagic stroke mula 38,000 na naging 80,000.
Inilunsad din ng PhilHealth noong 2023 ang Outpatient Mental Health Package nito kung saan P9,000 ang pakete na makukuha para sa general at P16,000 naman para sa specialty mental health services.
Ang mga pagbabagong ito sa benepisyo ay ipinatupad ng PhilHealth sa kabila ng pagsuspinde sa pagtaas ng kontribusyon noong nakaraang taon.“ Layunin ng PhilHealth na magbigay ng napapanahong benepisyo sa mga Filipino, at ito ay alinsunod sa aming adhikain na Pinalawak at Bagong Benepisyo Para sa Mamamayang Filipino", wika ni Ledesma.
Ngayong 2024, marami pang aasahan ang mga miyembro gaya ng pagpapabuti ng pakete para sa bronchial asthma at bacterial sepsis para sa mga sanggol. Inaasahang ilalabas din ng ahensya ang polisiya para sa outpatient therapeutic care para sa severe acute malnutriton sa mga batang edad 5 pababa, at ang benepisyo para sa physical medicine at rehabilitation.
Nakaamba rin ang pagbabago sa pakete ng Z Benefit Package sa peritoneal dialysis, at cervical at prostate cancer. Ani Ledesma, lubhang mahalaga ang kontribusyon ng mga miyembro upang matustusan ang mga benepisyong ipinatutupad at ilulunsad pa ng ahensya sa mga susunod pang taon. Upang makatulong na mapanatili ang kalusugan o maagapan ang paglala ng karamdaman, pinalalakas pa ng PhilHealth ang Konsulta Package nito sa pamamagitan ng paglalaan ng P30 bilyon ngayong taon.
Comments