Pilipinas, nagpakabog pa sa 3x3 bago nanalasa ang Antwerp at Doha
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 2, 2022

Cebu City – Pinatunayan muli ng top seed Antwerp ng Belgium ang kanilang husay at pinabagsak ang Cebu Chooks, 16-11, sa pagsisimula ng 2022 FIBA 3x3 World Tour Cebu Masters Sabado ng umaga sa SM Seaside City. Dahil sa resulta, kailangang talunin ng numero unong koponang Pinoy ang Omaha 3-Ball ng U.S. na naglaro kagabi.
Kasabay ng maingay na mga tagahanga, umarangkada ang Cebu sa maagang 2-1 lamang sa likod nina Mike Harry Nzeusseu at Mark Jayven Tallo. Subalit hanggang doon na lang sila at unti-unting inilabas ng mga Belgian ang ebidensiya bakit sila ang ikatlong pinakamataas na koponan sa FIBA 3x3 Ranking.
Kahit bigo, nagawa ng depensa ng Cebu na limitahan ang Antwerp sa 16 puntos lang subalit hinanap nila ang opensa. Parehong nagtapos na may tig-limang puntos sina Tallo at Nzeusseu habang kay Brandon Ramirez ang isa pang puntos at hindi pumuntos si Zachary Huang.
Samantala, hindi pinalad ang isa pang kinatawan ng bansa na Manila Chooks at nahulog sila sa qualifying round kontra Doha QSC ng Qatar, 21-16. Lamang ang mga Qatar mula sa simula at maagang natapos ang laban na may 44 segundong nalalabi.
Naging knockout ang laro matapos parehong magwagi ang Manila at Doha sa kulelat na Ludhiana INBL ng India. Nanalo ang Manila, 21-17, habang naging gitgitan ang 17-15 tagumpay ng Doha.
May inuwing konswelo ang mga Filipino matapos parehong pumasok sa finals ng two-point shootout sina Chico Lanete ng Manila at Tallo. Isa lang ang mintis ni Lanete sa 10 bola upang pangunahan ang 13 iba pang manlalaro. Pumangalawa si Thibault Vervoort ng Antwerp na may pitong puntos.





Comments