Piliin ang kandidatong sumasalamin sa puso, isip, diwa at kalooban ni Kristo, ang mabuting pastol
- BULGAR
- May 8, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 8, 2022
Ngayon po ang Linggo ng Mabuting Pastol. Napakaganda ng pagbasa sa linggong ito. Angkop na angkop na basahin, pagnilayan at gawing batayan ng lahat ang sinasabi ng ebanghelyo para sa pagpili bukas ng mga kandidatong mamumuno sa atin. Tingnan natin ang ilang bahagi ng ebanghelyo ngayon:
Kaya’t muling sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo, ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay — isang buhay na ganap at kasiya-siya.
Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at Siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa…” (Juan 10:7-15)
Kapansin-pansin ang ilang mga sinabi ni Jesus. Una, ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng tupa. Oo, matagal nang nakaupo ang mga magnanakaw at mga tulisan. At siyempre nais nilang magpatuloy na umupo, kaya’t gagawin nila ang lahat upang manalo bukas sa halalan.
Pangalawa, Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Matatagpuan niya ang pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang mangnakaw, pumatay at magwasak. Kapwa pumapasok sa pintuan ang mga mabubuting tupa at ang mga magnanakaw. Magkaiba ang dahilan ng pagpasok sa pintuan ng dalawa. Ang isa ay upang matagpuan ang tunay at ganap na buhay. Ang pangalawa ay upang magnakaw lamang. Sino kaya sa mga kandidato ang tumatakbo upang kasama natin ay hanapin ang tunay at ganap na buhay? Sino kaya ang papasok upang magnakaw lamang? Madali itong alamin. Tingnan mo kung sinu-sino ang dati nang nagnanakaw at tiyak na magnanakaw muli. At hindi lang iyon. Hindi ang siya nagnakaw kundi pumatay at nagwasak din. Napakaraming pinatay noong panahon ni Marcos. Napakaraming pinatay din ngayong panahon ni Duterte. Tuloy-tuloy ngayon ang pagwasak sa katotohanan. Sino sa mga kandidato ang gumagawa nito?
Pangatlo, hindi upahan ang mabuting pastol. Paano makikita ang pagkakaiba sa dalawa? Ang upahan ay basta na lang iiwanan ang tupa kapag may panganib na. Ngunit, hinding-hindi iiwanan ng mabuting pastol ang kanyang tupa at handa ito sa lahat ng panahon na ialay pa ang kanyang buhay para sa kanyang kawan.
Pang-apat, nakikilala ng mabuting pastol ang Amang nagsugo sa kanya. Nakikilala rin niya ang kanyang mga tupa at nakikilala rin siya ng mga ito. Malalim ang kanilang ugnayan. Hindi tulad ng ugnayan ng amo at alipin o ng trabahador at ng kanyang amo. Sila’y mga magkakaibigan na kapwa tinataguyod ang kapakanan ng bawat isa.
Sa mga nakaraang buwan, napakinggan na natin o hindi napakinggan dahil ayaw magsalita, humarap at magpaliwanag ang iba't ibang mga nais maging presidente o bise presidente. Hindi mahirap makita kung sinu-sino sa mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente ang merong puso, isip, diwa at kalooban ng mabuting pastol. Makikita natin kung sino ang mayabang at kung sino ang may kababaang-loob; kung sino ang sinungaling at sino ang tapat at totoo; kung sino ang may tunay na malasakit at kahandaang maghirap para sa tupa, dahil naghirap na rin siya para sa mga lubos na naghihirap sa mga nagdaang panahon; kung sino ang hindi natatakot sa panganib at anumang banta at pupunta at tutulong sa mga nangangailangan at gagawin ang dapat gawin upang maglingkod sa mga nangangailangan…
Maraming lumalabas at pinipilit ipakita ang kanilang mga kabutihang ginawa at balak gawin para sa bansa. Masakit at mabigat sa kaloobang pakinggan ang kanilang sinasabi at pilit na pinakikita sa madla…
Ngunit, merong mahinahong magsalita at hindi na niya kailangan pang magpaliwanag nang magpaliwanag dahil nakita na’t naramdaman na natin noon hanggang ngayon at tiyak hanggang sa mga darating pang panahon ang kanyang radikal na pagmamahal.
Iyan ang mabuting pastol… naglilingkod, nagtatanggol, nagtataya at nag-aalay ng kanyang buhay sa kawan… 'yan ang kanyang radikal na pagmamahal…





Comments