Piktyur ng mga SWAT sa private event, kumalat, sibak
- BULGAR

- Jun 28, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 28, 2024

Matapos na kumalat ang larawan na nasa isang private event sa Pasig City, tinanggal muna sa puwesto ang apat na tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT).
Ayon kay Eastern Police District director BGen. Wilson Asueta, ito ay para bigyang daan ang direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na imbestigahan ang naturang insidente.
Aniya, nasa station na ang mga ito at iniimbestigahan. Habang SOP lang naman ito at wala ring problema.
Naiulat kasi na ang nasabing SWAT team ay naroroon sa event ng isang hindi kilalang networking company, kung saan nakasuot sila ng kanilang uniporme habang ang iba ay may dalang baril.
Sinabi ni Asueta na itinanggi na umano ng apat na SWAT member na nagsasagawa sila ng moonlighting o suma-sideline bilang security escort sa mga pribadong indibidwal.
Katwiran ng mga ito, nagpapatrulya lamang sila sa lugar nang mapahinto sa pinagdarausan ng event.
May nag-imbita sa kanila sa event at nagpa-picture kasama sila, at ipinost na sa social media subalit hindi nila inakala na aani ito ng negatibong reaksyon, paliwanag ni Asueta.
Matatandaang kamakailan ay kinumpirma ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) na may tatlong pulis silang inimbestigahan dahil sa report na nag-e-escort umano ang mga ito sa mga negosyanteng Chinese.
At dahil sa napapaulat na mga pulis na nagsisilbing private escorts, bumuo na ng team ang PNP-IMEG na magsasagawa ng regular monitoring.
Tama ang naging desisyon ng kinauukulan na sibakin muna sa posisyon ang mga police personnel na namataan sa isang event kahit pa sabihing nagpakuha lamang sila ng litrato o nag-groupie.
Hindi kasi magandang halimbawa ito na ang mga itinuturing nating otoridad at tagapagpatupad ng batas ay tila nakikitang nagpapakaang-kaang lang o nagpa-party-party habang sila ay naka-duty.
Batid natin na hindi lahat ay pasaway na pulis na nakukuha pang rumaket bilang private escort dahil may matitino at tapat naman sa kanilang hanay. Ang sa akin lang, ilagay sana ang mga sarili sa tamang panahon at lugar para hindi nasusuot sa anumang sitwasyon na maaaring ikapahamak.
Magsilbi rin sanang aral ito hindi lang sa mga nasangkot, kundi sa lahat ng kapulisan na huwag basta-basta papayag sa mga imbitasyon lalo na kapag nakauniporme at naka-duty.
Isipin din lagi na gawin nang tama ang trabaho at maging mabuting ehemplo sa iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments