Picture ni Gordon kasama si ang high profile inmate, pinagpipistahan sa socmed
ni Ka Ambo - @Bistado | September 08, 2021
Sumabit na rin sa alingasngas si Sen. Richard Gordon.
May kumalat kasi sa social media na litrato na nakikipagkamay ang senador sa high profile inmate na si Jaybee Sebastian!
◘◘◘
ANG “kodakan” ay sinasabing noon pang 2013 sa loob mismo ng NBP.
Kainitan ito noon sa isyu ng droga sa pambansang piitan na ang pasimuno ay si Sebastian!
◘◘◘
SA panahong iyon ay "paboritong pasyalan" ng ilang government officials noon ang Bilibid Prison.
Buwelo ito sa national at local elections noong 2016, at hinihinalang pinagmumulan ng "pondo" para sa kumpanya!
◘◘◘
ISA rin sa kinakalantari sa isyung ito si Senator Leila de Lima na dating kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Inakusahan noon si De Lima na nakinabang umano sa pera mula sa NBP at siyang ginamit niya sa pagtakbong senador!
◘◘◘
NAKALABOSO si De Lima habang nililitis ng hukuman sa kasong drug trafficking.
Hindi natin inaakusahan si Gordon na maging ang nguso niya ay "namantikaan" ng mga drug lord sa Bilibid dahil kilala siyang isa sa mga senador na hindi papayag pasuhol!
◘◘◘
MAAARING tipikal na biktima si Gordon ng black propaganda.
Pero sa paglitaw ng litrato ng "kamayan at ngitian" nila ni Jaybee sa social media ay marami ang namalisyahan ang isip at nagtatanong!
◘◘◘
MAY nagsasabi na dapat ding imbestigahan ng Senate blue ribbon committee kung ano ang ibig sabihin ng pagbisita ni Gordon kay Sebastian.
Ito ay upang malinis ang kanyang pangalan at makatakas sa alingasngas!
◘◘◘
ANG problema ay si Gordon mismo ang chairman ng blue ribbon commiittee.
Magkukusa ba siya na ipakalendaryo sa hanay ng agenda ang naturang isyu?
Isang malaking paghamon ito sa kanyang kakayahan at reputasyon!
◘◘◘
MAY nagsasabi kasi na lumiit ang kanilang pagtingin" kay Gordon sa lumabas na litrato dahil kabaligtaran ito ng ipinapakita niya sa mga imbestigasyon sa Senado.
Si Sebastian kasi ay napasok sa Munti noong 2009 sa kasong kidnapping at carjacking!
◘◘◘
BIG boss siya ng notoryus na gang sa Bilibid na kinatakutan, hindi lang ng mga kapwa preso, kundi maging ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Correction.
Sinasabing malakas ang impluwensiya ni Jaybee sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno!
◘◘◘
INAMIN mismo ni Sebastian sa imbestigasyon ng Kongreso na naghahatag siya ng pera sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno noon para proteksiyunan ang kanyang illegal drug trade.
Bukod kay Sebastian, may ilan pang Bilibid drug lord na nagbibigay din ng pondo para sa kampanya ng mga pulitiko!
◘◘◘
INIULAT na patay na si Sebastian noong 2020 at ang sinasabing dahilan ay COVID-19.
Paano ngayon yan, sino pa ang magsasabi kung sinu-sino pang pulitiko ang "tumuka sa kanyang palad"?
Pinatahimik ba siya o totoong na-COVID-19 ?





Comments