top of page
Gary V. - IG.jpg

Phone number spoofing at text scam sa kabila ng SIM registration

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 4, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 4, 2023


Ang mga sindikatong telemarketer at scam artist ay palaging naghahanap ng makabagong paraan upang ang isasagawa nilang tawag ay masigurong sasagutin ng kanilang tinatawagan.


Halos lahat ng telepono ay may kakayahang magsagawa ng screen calls at matiyak kung sino ang tumatawag sa oras na mag-ring ang telepono at bagong nauuso na karaniwang ginagamit na ng mga scam artist ay ang mag-falsify o mag-‘spoof’ ng caller ID information.


Ito ang phone number spoofing na kapag tumawag ang isang scammer ay ibang caller ID display ang makikita upang agad na sagutin ng tinatawagan ngunit sa katotohanan ay galing ito sa mga sindikato online na nais mambiktima.


Karaniwan ay computer ang ginagamit ng mga telemarketer o sindikato sa pagtawag sa mga cellphone kaya dapat na mag-ingat ang ating mga kababayan sa matagal na ngunit muling ginagamit na istilo sa cellphone scam.


Ang mga hindi naman nairehistrong subscriber identity module (SIM) ay dapat na hindi na gumagana simula pa noong nakaraang Hulyo 30 ng taong kasalukuyan ngunit marami pa rin ang nagrereklamo sa ating mga kababayan na nakatatanggap ng text scam na nag-aalok ng loans o kaya ay nagsasabing nanalo sa isang raffle o contest at i-click lang ang ibibigay na link.


Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang mga bangko sa pagpapadala ng mga alert messages hinggil sa mga scammers na tuluy-tuloy ding nagsasabing i-click ang isang partikular na link -- na ang ibig sabihin ay dire-diretso pa rin ang nagaganap na scam.


Hindi natin matiyak sa ngayon kung umiiral na ang kinatatakutang sitwasyon na posibleng nakagawa na ng paraan ang mga scammers kung paano lulusutan ang Republic Act 119334 o ang SIM Registration Act.


Isa kasi sa kahinaan ng RA 11934 ay ang verification process ng isang nais magparehistro ng SIM na ayon sa ulat ay marami ang nakapagpalusot na gumamit ng pekeng pagkakakilanlan.


Ito na rin ang ibinulgar natin kamakailan na may ilan tayong kababayan na nagbebenta ng rehistradong SIM gamit ang pagkakakilanlan ng kanilang mga tauhan na walang kamalay-malay na posibleng maharap sa malaking problema sakaling magsampa ng reklamo ang sino mang mabibiktima.


Marahil, panahon na para tugisin ang mga nagbebenta ng rehistradong SIM upang maalarma ang mga gumagawa nito dahil seryoso ang pamahalaan na tuluyan nang matigil ang text scam sa bansa.


Nang matapos na ang deadline sa SIM registration ay umabot sa halos 114 milyong subscriber identity module o 67.83 porsyento ng 168 milyong SIM card na nasa sirkulasyon ang nairehistro at ang natitirang 54 milyon ay ipinagpapalagay na gamit ng mga trolls, tagagawa ng fake news at mga sangkot sa cybercrimes.


Noong nakaraang Hunyo ay sinalakay ng Las Piñas-Philippine National Police (PNP) ang isang Philippine offshore gaming operator firm at nakumpiska nila ang 100,000 SIM cards at libu-libong cellphones na ayon sa pulisya ay ginagamit sa iba’t ibang klase ng scam.


Hindi ba’t kamakailan lamang ay tatlong indibidwal din ang inaresto sa Barangay Poblacion, Makati City dahil sa pagbibenta ng SIM card na rehistrado -- na isang napakalaking paglabag sa Republic Act No. 11934 o ang SIM Card Registration Act.


Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsagawa umano ng pagsalakay ang kanilang Special Operations Unit sa pamamagitan ng isang buy-bust operation laban sa ilang empleyado ng Hapson Technology na lantaran umanong nagbibenta ng pre-registered SIM cards.


Sa naturang operasyon, nasa 40 prepaid SIM cards mula sa Globe Telecom, at 37 mula sa Smart Communications ang nakumpiska sa pag-iingat ng dalawa katao na kapwa empleyado ng Hapson Technology.


At nitong nakaraang linggo ay umabot sa 28,000 pre-registered SIM cards na beripikadong may e-wallet accounts ang nasakote sa isang establisimyento sa Pasay City na dati nang sinalakay dahil sa pagkakasangkot din sa online scams.


Ito ang mga patunay na may nangyayaring bentahan ng rehistradong SIM card sa ilang pamilihan na kung hindi mag-iingat ang bawat isa ay posibleng maging biktima ang ilan sa ating mga kababayan.


Marahil ay kailangang magbigay ng paliwanag ang National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang may kinalamang ahensya kung bakit sa kabila ng SIM registration at pagpapatupad ng RA 11934 ay may mga ulat pa rin ng text scam.


Ito rin ang matagal nang ipinapakiusap ng PNP-ACG (Anti-Cybercrime Group) sa mga ahensyang nagpatupad ng SIM registration na kung maaari huwag isagawa nang online dahil mas mabuti umano kung personal upang walang makapagpalusot.


Ngunit bigo ang PNP-ACG sa kanilang panawagan at umiral pa rin ang online SIM registration kaya posibleng ang mga nangyayaring patuloy na text scam ay talagang inaasahan na dahil hindi nakinig ang mga ahensyang nagpatupad nito.


Kaya nga nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ang batas hinggil dito noong nakaraang Oktubre 2022 upang masawata na ang phising scams at iba pang krimen na isinasagawa gamit ang text messages ngunit nakalulungkot na meron pa rin, kaya ingat!

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page