top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Phoenix Suns, lider uli; Crowder at Booker, matikas

BULGAR
Jan 13, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 13, 2022





Mag-isa muli sa liderato ng buong NBA ang Phoenix Suns matapos ang 99-95 panalo sa Toronto Raptors kahapon mula sa Scotiabank Arena. Nakatanggap ng tulong ang Suns sa nagbabagang Memphis Grizzlies na itinumba ang dating kabahagi sa liderato na Golden State Warriors, 116-108.

Kinailangan ng Suns ang magkasunod na buslo nina Devin Booker at Chris Paul upang maagaw ang lamang at lumayo papasok sa huling 30 segundo, 93-89. Nagbanta saglit ang Raptors sa dalawang puntos ni OG Anunoby, 91-93, subalit naglabas ng tatag ang Phoenix at ipinasok ang anim na free throw sa huling anim sa segundo para sa kartadang 31-9 panalo-talo.

Nanguna sa Suns si Jae Crowder na may 19 puntos at sinundan nina Booker at Deandre Ayton na parehong may 16 puntos. Lehitimo na talaga ang Grizzlies at higante ang itinumba para sa ika-10 sunod na tagumpay kung saan ibinura nila ang 90-87 lamang ng Warriors sa simula ng 4th quarter. Nagreserba ng lakas si Ja Morant para ipasok ang huling 5 puntos ng laban at hindi na pinapuntos ng depensa ang Warriors sa huling 28 segundo at ituloy ang pag-akyat sa Western Conference sa 29-14 habang bumaba ang Golden State sa 30-10.

Mainit sa buong laro si Morant at nagtapos na may 29 puntos at nakakuha ng malaking suporta galing kay Ziaire Williams at reserbang si Tyus Jones na may tig-17 puntos.


Nasayang ang triple double ni Stephen Curry na 27 puntos, 10 rebound at 10 assist habang 14 puntos sa 20 minuto si Klay Thompson matapos ang matagumpay niyang pagbabalik sa NBA noong isang araw.

Nakaganti rin ang Memphis sa Golden State, ang huling koponan na tumalo sa kanila, 113-104, sa Chase Center noong Dis. 23. Pinatibay ng Chicago Bulls ang hawak nila sa liderato ng Eastern Conference sa bisa ng 133-87 pagdurog sa kulelat na Detroit Pistons upang umangat sa 27-11 at lumayo ng bahagya sa mga humahabol na Brooklyn Nets (25-14), Miami Heat (25-15) at World Champion Milwaukee Bucks (26-17). Walong Bulls ang nagtala ng 10 o higit pang puntos sa sina Nikola Vucevic na may 22 at DeMar DeRozan na may 20 puntos.

Sa ibang mga laro, bumira ng three-points si Brandon Ingram kasabay ang huling busina upang mabigo ng New Orleans Pelicans ang bisitang Minnesota Timberwolves, 128-125.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page