PHLPost, pinagtibay ang suporta sa mga empleyado
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 1, 2026

Photo: Philippine Postal Corporation (PHLPost)
Tiniyak ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang agarang aksyon sa mga pangunahing hinaing ng kanilang mga empleyado kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa.
Ayon sa pamunuan, kabilang sa tinututukan ng ahensya ang gasoline allowance, Collective Negotiating Agreement (CNA) incentive, at promosyon.
Sinabi ng PHLPost na naipamahagi na ang gasoline allowance matapos maresolba ang mga aberya sa implementasyon. Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan sa unyon para sa CNA incentive, habang nagsimula na ang promosyon at pagre-regular ng mga empleyado, kabilang ang 83 Contract of Service workers noong Nobyembre.
Naglatag din ang ahensya ng mga hakbang para sa kapakanan ng mga kawani tulad ng libreng medical check-up, health seminars, at sportsfest. Magbibigay din ng raincoats at boots sa mga kartero bilang paghahanda sa tag-ulan.
Aminado ang PHLPost sa kakulangan sa komunikasyon sa loob ng organisasyon at sinabing pinapalakas ito upang mas maging malinaw ang impormasyon sa mga empleyado.
Binigyang-diin ng pamunuan na hindi sapat ang pakikinig lamang sa mga hinaing at dapat itong samahan ng konkretong aksyon. Tiniyak din nila ang patuloy na pakikipagtulungan upang maresolba ang mga isyu ng kanilang workforce.




Comments