top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

PHL Women's Football Team, Nadale ang Thais sa Asian Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 23, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 23, 2022





Gumawa ng kasaysayan ang Philippine Women’s Football National Team at tinalo ang Thailand, 1-0, sa pagsisimula ng kampanya sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India Biyernes ng gabi sa DY Patil Stadium sa Navi Mumbai. Ipinasok ni forward Chandler McDaniel ang bola sa ika-81 minuto at kumapit sa nalalabing 10 minuto upang makuha ang inaasam na unang 3 puntos sa prestihiyosong torneo na qualifier din ng Asya para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.


Nagbunga ang pagsisikap ni McDaniel at tumanggap ng pasa mula kay Ryley Bugay para sa malakas na sipa. Nasalo ni Thai goalkeeper Woraporn Boonsing ang bola subalit biglang dumalas sa mga kamay at gumulong sa linya para sa milagrong goal.


Hinigpitan ng mga Pinay ang depensa sa pangunguna ng ate ni Chandler na si goalkeeper Olivia McDaniel, Dominique Randle at beterana Hali Long na ipinagdiwang ang ika-27 kaarawan. Nagdagdag ng apat na minuto sa orasan ang reperi subalit walang nakapigil sa pag-arangkada ng bangis ng Pinay matapos ang goal.


Natapos ang first half na walang goal subalit nagbanta agad ang mga Pinay na seryoso sila sa ika-13 minuto kung saan ipinasok ni Katrina Guillou nang malapitan ang bola mula sa pasa ni Chandler subalit binawi ng reperi. Hindi pa tapos si Guillou at ang malayong sipa sa ika-29 ay tumalbog sa baras at sinundan ng ilang muntikang goal nina Long, Chandler at Quinley Quezada.


Susunod para sa Pilipinas ang Australia sa Lunes ng 6 p.m. sa Mumbai Football Arena para sa liderato ng Grupo B. Pinarusahan ng Australia ang Indonesia, 18-0, sa naunang laro noong Biyernes. Samantala, binuksan ng Tsina ang Grupo A noong Huwebes sa 4-0 panalo sa Chinese-Taipei at tumabla ang Iran at punong abala India na walang goal. Sa Grupo C, nanaig ang defending champion Japan sa Myanmar, 5-0, at wagi ang Timog Korea sa Vietnam, 3-0. Laro ngayong Lunes – Mumbai Football Arena. 6:00 PM Pilipinas vs. Australia.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page