PHL Women's Football sasabak na sa AFC Asian Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 12, 2022

Araw na lang ang bibilangin at sasabak na sa aksyon ang Philippine Women’s Football National Team sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India sa Enero 21. Ito ang ika-10 salang ng Pinay sa pinakamalaking torneo sa Asya para sa kababaihan at dala ang layunin na gamitin itong daan upang makalahok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.
Nabunot ang Pilipinas sa Grupo B kasama ang Australia, Thailand at Indonesia. Bubuksan nila ang kampanya laban sa mga Thai sa Enero 21 sa DY Patil Stadium ng Navi Mumbai.
Susundan ito ng tapatan sa Australia sa Enero 24 sa Mumbai Football Arena ng Mumbai.
Wawakasan ang group stage sa laban kontra Indonesia sa Enero 27 sa Sri Shivchhatrapati Sports Complex ng Pune.
Tanging ang unang dalawa sa tatlong grupo ang tiyak na pasok sa knockout playoffs. Ang nalalabing dalawang upuan ay mapupunta sa may pinakamataas na kartada sa tatlong magtatapos ng pangatlo sa kanilang grupo.
Ang Grupo A ay binubuo ng punong abala India, China, Chinese-Taipei at Iran. Nasa Grupo B ang nagbabalik na kampeon Japan, Timog Korea, Vietnam at Myanmar.
Limang tiket patungong World Cup ang nakataya at pasok na ang Australia bilang isa sa punong abala. Nabitin sa huling laban ang mga Pinay noong 2018 at natalo sa mga Koreana para sa ika-lima at huling tiket para sa 2018 Women’s World Cup sa Pransiya.
Nakatutok ang pansin sa bagong coach ng Pilipinas na si Alen Stajcic matapos ang kanilang masinsinang ensayo sa Irvine, California sa Estados Unidos. Titingnan kung mauulit niya ang tagumpay na tinamasa niya noong hinawakan niya ang Australia mula 2014 hanggang 2019 kung saan ginabayan niya ang Matildas patungo sa 2015 Women’s World Cup at 2016 Rio Olympics.





Comments