Phl Women's, dinaig uli ng Costa Rica sa FIFA game
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 13, 2022

Nabitin ang Philippine Women’s Football National Team at nanaig sa huli ang Costa Rica, 2-1, sa kanilang pangalawang FIFA Friendly Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas, mula sa Estadio Ricardo Saprissa. Kahit bigo, lumitaw ang maraming positibo para sa mga Filipinas na patuloy ang paghahanda para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.
Nagdagdag ng 2 minuto sa unang 45 minuto ang reperi at kinuha ng Filipinas ang pagkakataon. Inagaw ni Bella Flanigan ang bola at agad ipinasa ito sa tumatakbong si Carleigh Frilles na tinalo ang Costa Rica goalkeeper para sa 1-0 lamang.
Muntik na madoble ang lamang at ginawaran ang Filipinas ng penalty kick bunga ng handball violation ng Costa Rica sa ika-48 minuto. Nasayang ang pagkakataon at nagmintis ang sipa ni kapitana Tahnai Annis na tumama sa kaliwang poste.
Ang Pilipinas naman ang tinawagan ng handball at walang kabang ipinasok ni kapitana Raquel Rodriguez ang bola sa ika-61 minuto. Ginanahan ang Costa Rica at agad ito sinundan ng nagpalamang na goal ni Fabiola Villalobos na ipinalipad niya sa kanang kanto at hindi ito naabot ni Olivia McDaniel.
Susunod para sa Filipinas ang mga iba pang friendly sa FIFA Window Nobyembre 7 hanggang 15, 2022. Inaasikaso ng Philippine Football Federation ang isang torneo sa Pilipinas mula Pebrero 13 hanggang 22, 2023.
Samantala, kumpleto na ang unang 29 bansa na kalahok sa Women’s World Cup sa pagtatapos ng UEFA Playoffs. Napunta sa Switzerland at Ireland ang huling dalawang tiket para sa Europa para samahan ang mga naunang Alemanya, Sweden, Inglatera, France, Netherlands, Espana, Norway, Italya at Denmark.





Comments