top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Phl WNBL 3X3, kakatawan sa Thai Super League 2022

BULGAR
Jun 1, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 1, 2022



Kakatawanin ng Uratex Dream ng Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 at ang nagbabalik na Discovery Perlas ang Pilipinas sa 3x3 Thai Super League 2022 sa Ayuthaya, Thailand simula ngayong Hunyo 1 at 2. Haharapin nila ang mga batikang koponan buhat sa host Thailand, Singapore, Laos at Malaysia.

Binubuo ang Uratex ng numero unong manlalaro ng bansa na si Kaye Pingol at sina Tina Deacon, Alyssa Villamor at Eunique Chan na lahat ay pasok sa Top 10 Pinay ayon sa pinakabagong FIBA 3x3 World Ranking. Ang Discovery Perlas ay sina WNBL 2021 Most Valuable Player Allana Lim, Ford Grajales, Hazelle Yam at Misaela Larosa.

Nabunot ang Uratex sa Grupo A kasama ang NK Bangkok Club ng Thailand, Jumpshot ng Singapore at Luang Prabang ng Laos. Ang Discovery ay nasa Grupo B at haharapin ang Shoot It Dragons at Srircha Eagle ng Thailand at Malaysia Rising Star.

Maglalaro ang mga koponan ng single round sa kanilang grupo o tig-tatlong laro. Walang matatanggal at lahat ay tutuloy knockout playoffs kung saan haharapin nila ang mga nasa kabilang grupo.

Ang Shoot It at NK Bangkok ang top two seeds at maagang paborito. Pangatlo ang Uratex habang pang-anim ang Discovery subalit gaya ng karaniwan sa 3x3, naisasantabi ang mga numero oras na tumapak sa korte.

Kasalukuyang ika-48 ang Pilipinas sa panig ng kababaihan sa World Ranking. Tiyak na aangat ang bansa matapos ang torneo sa makukuhang puntos ng dalawang koponan patungo sa layunin na makalaro sa 2024 Paris Olympics.

Samantala, ang ika-apat na yugto ng WNBL 3x3 ay gaganapin ngayong Hunyo 11 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Bukas pa rin ang torneo sa mga nais lumahok, makipag-ugnayan lang sa opisyal na Facebook ng NBL-Pilipinas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page