Phl Saudi Youth, abangan sa NBL 2nd Cup sa Rizal
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 3, 2022

Magbubukas ang bagong kabanata sa 2022 National Basketball League (NBL) Youth Second Conference sa ngayong Sabado sa Jose F. Diaz Stadium sa San Mateo, Rizal.
Kakaiba ang torneo ngayon dahil lumahok ang Philippine Saudi Youth Basketball Association (PSYBA) na unang pagkakataon na may kinatawan ang mga Pinoy sa ibayong dagat.
Magkakaroon ng maikling palabas upang pormal na simulan ang torneo sa 8:00 ng umaga. Susundan agad ng dalawang bakbakan sa Under-16 Division na TYJ Trucking laban sa host San Mateo Rizaleno sa 9:00 ng umaga at Homelab Nation kontra Nueva Ecija Achievers sa 10:15 ng umaga.
Ang mga unang laro sa Under-19 Division ay sa pagitan ng Homelab Nation at Divertex Nasugbu sa 11:30 ng umaga at Montalban laban sa Yengskivel RPBY. Sasabak agad ang mga galing Saudi Arabia kontra Hotshots El Oro simula 1:30 ng hapon.
Dalawa pang laro sa Under-19 ang bubuo ng unang araw na Tatak Vice Gel Alonte Binan laban sa Cavite Ballers sa 2:25 ng hapon at Don C Bruins Majesty Driving School kontra host San Mateo sa tampok ng 3:30 p.m.
Maliban sa mga maglalaro ngayon, ang iba pang mga koponan sa Under-19 ay ang Red Arc Bulacan at San Pedro, Laguna. Bumunot ng liban sa Under-16 ang City of Santa Rosa, Marilao, Emeralds Academy, Fairview Defenders at EDSCI Green Knights.
Ang pagbubukas ng NBL Youth ay senyales din na nalalapit na rin ang pagbukas ng 2022 NBL Chairman’s Cup at 2022 WNBL Second Conference bago matapos ang buwang kasalukuyan. Inihahanda rin ang susunod na yugto ng WNBL 3x3.





Comments