ni GA @Sports | September 21, 2023
Humambalos ng matinding panalo ang Philippine men’s volleyball team nang walisin ang matamlay na koponan ng Afghanistan sa pamamagitan ng 25-23, 25-16, 25-12 upang makuha ang unang panalo sa pagbibida ni power-hitter Bryan Bagunas kahapon na ginanap sa Deqing Sports Centre Gymnasium sa pagdaraos ng 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Nagawang makabawi ng Pilipinas sa pagkakadapa sa unang laban kontra sa mahigpit na katunggali sa Southeast Asian Games na Indonesia sa straight set nitong Martes sa bisa ng 22-25, 23-25, 20-25.
Bumanat ng husto ang 25-anyos na tubong Batangas City na si Bagunas ng kabuuang 18 puntos mula sa 16 na atake at tig-isang ace at block, kasama ang 7 receptions at 3 digs, habang sumegunda si Steven Charles Rotter sa 13 puntos mula lahat sa atake upang makamit ng bansa ang 1-1 sa Pool F. Nasundan ni Bagunas ang 19-pts na kinana sa pagkatalo kontra Indonesia.
Nag-ambag din sa Pilipinas sina Lloyd Josofat sa 8 puntos mula sa 5 blocks, 2 atake at 1 ace, Joshua Umandal sa 7 puntos mula sa 6 kills at isang ace, kabilang ang 12 receptions, habang may tig-anim na puntos sina Kim Malabunga at Marck Espejo, na sumalo rin ng 5 receptions at 3 digs.
Maagang nagparamdam sina Bagunas at Rotter na kumamada ng 8 at 6 na puntos, ayon sa pagkakasunod, gayundin si Umandal na pumalo ng 5 puntos upang pangunahan ang Pilipinas na maitakas ang first set.
Naging mas epektibo ang takbo ng opensa para sa Pilipinas nang magsimulang magdagdag na rin ng puwersa ang iba pang miyembro ng national squads sa 2nd set, habang patuloy na minanduhan nina Bagunas at Rotter ang takbo ng atake.
Nakatakda namang harapin ng Pilipinas ang Japan ngayong alas-7:00 ng gabi, Setyembre 21, na kasalukuyang kinakaharap sa mga oras na isinusulat ang balita, ang koponan ng Indonesia.
Comments