top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

PHL Booters, kakampanya na vs. Thailand sa AFC Asian Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 21, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 21, 2022





Bubuksan ng Philippine National Women’s Football Team ang kanilang kampanya ngayong Biyernes sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India laban sa Thailand simula 8:00 ng gabi (oras sa Pilipinas) sa DY Patil Stadium sa lungsod ng Navi Mumbai.


Madalas magharap sa Southeast Asian Games, sasabak agad sa maagang pagsubok ang dalawang bansa upang malaman kung sino ang maaaring makapasok sa quarterfinals.


Inaasahan na lalakas ang opensa ng Pilipinas sa pagbabalik-aksyon nina Sarina Bolden, Quinley Quezada at Eva Madarang upang samahan sina Hali Long, Cam Rodriguez at Sarah Castaneda sa pagpasok ng bola. Naka-angkla ang depensa kay goalkeeper Inna Palacios na siyang may pinakamalawak na karanasan sa 47 laro para sa pambansang koponan.


Itinalagang kapitana si midfielder Tahnai Annis na siya rin ang ate sa koponan sa edad na 32. Ang bunso ay si defender Isabella Flanagan na 16 anyos.


Ganado ang mga Pinay matapos ang halos tatlong buwang ensayo sa California sa Estados Unidos sa gabay ni Coach Alen Stajcic. Malaki ang inaasahan kay Coach Stajcic na ginabayan ang Australia sa 2014 FIFA Women’s World Cup at 2016 Rio Olympics.


Tinalo ng Thailand ang Pilipinas, 3-1, noong 2018 AFC Women’s Asian Cup Jordan. Dahil dito, pumangalawa ang mga Thai sa Grupo A at agad nabigyan ng tiket patungo sa 2019 FIFA Women’s World Cup France habang natalo ang mga Pinay sa Timog Korea, 5-0, sa playoff para sa ika-lima at huling tiket.


Mas malaki ang pag-asa ng Pilipinas na makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand dahil anim na ang tiket na paglalabanan, mas marami ng isa. Ang panalo sa Thailand ay mahalaga upang maitapak ang isang paa sa quarterfinals.


Pagkatapos ng Thailand ay haharapin ang Australia sa Enero 24 at Indonesia sa Enero 27. Ang quarterfinals ay sa Enero 30 at susundan agad ng semifinals sa Pebrero 3 at finals sa Pebrero 6.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page