top of page
Search
  • BULGAR

Phivolcs modernization, para sa paghahanda sa ‘The big one’

@Editorial | December 6, 2023


Nitong mga nagdaang araw ay sunud-sunod ang pagtama ng malalakas na lindol sa Mindanao.


Maraming imprastruktura ang nasira, pati buhay ng mamamayan ay naapektuhan.


Hindi rin tayo handa sa tuwing may nagaganap na pagsabog ng bulkan.

Kaugnay nito, nais nang madaliin ng Senado ang panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Matagal na itong hinaing ng Phivolcs dahil kulang umano sila sa kagamitan sa pag-monitor ng pagsabog sa mga bulkan, posibleng tsunami at ang pagtukoy kung saan ang mga delikadong lugar sa lindol.

Ang Pilipinas kasi ay nasa Pacific Ring of Fire, kung saan karaniwan na ang pagsabog ng mga bulkan at paglindol.

Sa kasalukuyan, mayroong 24 na aktibong bulkan sa bansa ngunit 10 lamang ang namo-monitor dito habang ang Mayon at Taal lang ang may kumpletong monitoring instrument.

Sa pag-monitor naman ng lindol ay mayroon lamang 123 seismic station ang bansa at nangangailangan pa ng karagdagang 300, habang kailangan din ng 50 monitoring station para sa tsunami.

Kung maaaprubahan ang panukalang modernisasyon na ito ay tayong mga Pilipino rin ang makikinabang dahil alam naman natin kung gaano kalaki ang epekto at kadelikado ang lindol at pagsabog ng bulkan.

Maaari ring mapigilan o mabawasan kahit papaano ang pinsala kung kumpleto sa monitoring equipment ang bansa.

Walang nakakaalam kung kailan tatama ang sinasabing “The big one” ngunit mas mapaghahandaan natin ito kung magbibigay ng suporta ang gobyerno na maipasa ang panukalang modernisasyon.

Maging aral sana sa atin ang mga nagdaang kalamidad at magkaisa tayo para sa kaligtasan ng bansa.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page