top of page

PhilHealth, kailangang sabayan ang inflation sa pagbibigay ng ayuda sa miyembro

  • BULGAR
  • Oct 8, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | October 8, 2022


Nilinaw ng PNP sa Senado na wala nang krimen na iniuugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).


Mainam naman.


◘◘◘


BATAY ang impormasyon sa datos mula nang isagawa ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong September 15.


Inihayag ito sa joint hearing ng nasabing komite at ng Committee on Ways and Means noong Lunes.


◘◘◘


IBINASURA ng naturang datos ang opinyong nagiging grabe ang kriminalidad dahil sa POGO.


Inamin ni NCRPO acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo, na mas pinaigting nila ang police visibility at wala nang naitalang krimen kaugnay sa POGO sa NCR, Regions 3 at 4.


◘◘◘


KINATIGAN ang naturang report nina Region 3 ARD PBGen. Cesar Pasiwen at Region IV-A ARD PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr.


Naniniwala si Estomo na posibleng may nananabotahe lamang dahil ang mga krimeng binabanggit ay naganap noon pang Hulyo.


◘◘◘


NANG tanungin ni Sen. Sherwin Gatchalian, nanindigan ang NCRPO chief na kayang solusyunan ang krimen sa Kamaynilaan at sa buong bansa.


Hindi rin makatwiran na gamiting dahilan ang krimen para pigilin ang lehitimong operasyon ng POGO na nagpapasok ng buwis sa bansa at nagbibigay ng trabaho sa mga tao.


◘◘◘


SA gitna ng krisis, maraming tao ang dumaranas ng depresyon at sakit—hindi maayos na maipaliwanag ng mga eksperto.


Mahalaga ang tulong ng PhilHealth sa sitwasyong ito ng mamamayan ngayon.


◘◘◘


MAY kasabihan, ang sakit sa puso ay sakit “pang-mayaman”, paano na ang ordinaryong mamamayan?

Alam mo bang kailangan ang halos isang milyon piso sa coronary artery bypass graft surgery?


Buwan-buwan ay kinakaltasan ang suweldo ng mga obrero ng PhilHealth at umaasang makakatulong ito kung sakaling magkasakit nang grabe ang mga miyembro.


◘◘◘


SA isang briefing ng PhilHealth para sa Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprise noong October 5, ibinunyag ni committee chairman Senator Alan Peter Cayetano, na ang package ng PhilHealth para sa nabanggit na procedure ay P550,000 lamang pero ang actual cost sa ospital ay aabot sa P907,000.


Ibig sabihin, kailangan pang magdelihensya ng dagdag-P357,000 para maoperahan.


◘◘◘


MARAMING Pinoy ang namamatay nang hindi na nagpapaopera at nagagamot.


Nabatid na anim sa bawat sampung Pilipino ay namamatay na lang nang hindi man lang nakapagpapatingin sa doktor.


◘◘◘


SA isang survey noong 2019, aabot sa 99% ng mga Pilipino ang hindi bumibili ng gamot na inirereseta.


Aabot sa 44.7% ng gastos sa healthcare ay ang mamamayan mismo ang gumagastos imbes na ang PhilHealth o ibang insurers.


◘◘◘


NANINIWALA si Cayetano na kailangang i-adjust na rin ang serbisyo ng PhilHealth.

Ito ay dahil na rin sa inflation o mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.


Kapos ang ayuda na ibinibigay ng PhilHealth kaya’t dapat i-review at i-update ang benefit packages ng PhilHealth.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page