PhilHealth, DPWH, BOC, BIR at LRA, top 5 iimbestigahan sa korupsiyon
- BULGAR

- Oct 28, 2020
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 28, 2020

Tinukoy ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra ang unang limang ahensiya na prayoridad ng nabuong task force na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa mga nagaganap na korupsiyon sa gobyerno sa kabuuan.
Sa public address ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, inatasan niya ang Inter-Agency Task Force kung saan pangungunahan ng DOJ ang pagsisiyasat sa anomalya ng korupsiyon sa mga ahensiya.
Ayon kay Guevarra, target ng investigation team na pamumunuan ng DOJ na siyasatin ang mga sumusunod na ahensiya:
Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)
Department of Public Works and Highways (DPWH)
Bureau of Customs (BOC)
Bureau of Internal Revenue (BIR)
Land Registration Authority (LRA)
Umaasa naman si Guevarra na magkakaroon ito ng magandang resulta sa susunod na mga buwan.
“We are hoping in the next couple of months we'll be able to produce something as a sign that the task force is actually doing its job,” sabi ni Guevarra.
Gayunman, binigyan si Guevarra ng panahon hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa June 2022 para tapusin ang imbestigasyon, kung saan nasimulan na ang pagsisiyasat mula sa ilang tinukoy na ahensiya habang
ang iba dito ay nababanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang public address na sangkot umano sa korupsiyon.
Binigyan din ng direktiba ni P-Duterte ang task force na kailangang alamin nito ang laki ng halaga ng pondong nagagamit dito at kung ang ibinibigay na serbisyo ng bawat ahensiyang sangkot ay pinipili o pinapaboran lamang ang gusto nilang transaksiyon.
“Ayon doon sa memorandum na in-issue ng presidente sa akin na i-consider ng task force 'yung gravity o magnitude nu'ng anomalya o corrupt activity,” sabi ni Guevarra.
“So we're talking here about values, magnitude of the funds involved, possible impact on the delivery of government services, to be considered in choosing kung alin ang iimbestigahan ng task force,” dagdag ni Guevarra.





Comments