PhilHealth nanganganib sa bankruptcy sa 2021...
- BULGAR

- Aug 8, 2020
- 3 min read
dahil sa ninakaw na bilyun-bilyong pondo ng mga opisyal
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 8, 2020
Nitong Agosto 4, dininig natin sa Senado sa ilalim ng Committee of the Whole ang mga kontrobersiyang bumabalot ngayon sa Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth — ang walang katapusang alegasyon ng malawakang korapsyon.
Kabilang sa mga inimbitahan natin sa hearing ang pangulo ng PhilHealth na si retired BGen. Ricardo Morales at ang dating anti-fraud officer ng ahensya na si G.Thorrsson Keith.
Sa nasabing pagdinig, isiniwalat ni G. Keith ang mga nalalaman niya sa umano’y paglustay ng pondo ng ahensiya saloob ng ilang taon na umaabot na sa P15-B. Talamak umano ang “nakawan” sa PhilHealth dahil sa aniya’y “sindikato” sa loob.
Nalalagay na sa alanganin ang kaban ng PhilHealth dahil sa malaking gastusin ngayong taon dulot ng pandemya, tapos malalalaman pa nating bilyun-bilyon na pala ang ninakaw ng mga gahamang tao riyan.
Ngayong taon, posibleng umabot sa P90-B ang operating loss ng PhilHealth at P147-B sa susunod na taon dahil sa benefit payouts kaugnay pa rin ng pandemya. Ano na lang ang maaaring i-claim ng mga benepisaryo kung kinayos na pala ng mga “magnanakaw” ang pondo?
Nasa balag ng bankruptcy ang PhilHealth sa 2021. Ano ba dapat ang gawin ng mga kinauukulan? Aksiyunan n’yo ‘yan — isalba n’yo ang PhilHealth laban sa sindikato sa loob. Kongkretong aksiyon — tunay na aksiyon, hindi ‘yung resolusyon na mababahiran pa rin ng korapsyon.
Sa loob ng halos isang dekada, umaabot na sa P400-B ang nailaang pondo ng Kongreso sa PhilHealth. Hindi pa kasama ang premiums. Saan napunta ang mga ‘yan? Nakakaalarma ito. Dapat, ang ilalagay na mga tao sa PhilHealth, hindi mga bantay-salakay. Dapat, ‘yung totoong may malasakit at mapagkakatiwalaan.
Noong isang taon, scam sa dialysis at katrata ang umalingasaw sa korporasyon. ‘Yung ibang claimants na nakapangalan, nabulgar na patay na pala! Ilang taon na kaya tayong ginogoyo ng mga PhilHealth officials?
Itong si PhilHealth president Morales, nais nating makita ang sinseridad niya sa paglaban sa korapsyon. Siya mismo ang nagsabi, naniniwala siyang may mga anomalya. Bakit hindi siya kumikilos? Bakit parang malamya siya sa mga alegasyon?
Sabi ni G. Morales, may mga personal na interes daw ang whistleblowers tulad ni Thorrsson Keith na hindi napagbigyan ng ahensiya kaya kung anu-ano ang sinasabi.
Hindi naman sa may hatol na tayo agad, pero may kasabihan nga tayo: Ang usok ay may pinanggagalingang apoy. At ‘yung apoy na ‘yun, ‘pag hindi naapula, kakalat at lalaki pa.
Tayo ay may ilang rekomendasyon para mabigyang-linaw ang usasping ito. Una, dapat magkaroon ng special audit sa pondo ng PhilHealth. Mula sa maliit na halaga hanggang sa pinakalamalaki.
Pangalawa, dapat mapalakas ang IT projects ng PhilHealth. Ang problema, pati laptops nila, overpriced. Isa ‘yan sa mga anomalous issues. Pero kung mapapalakas ang IT system nila, mas mapapadali ang pag-iimbestiga sa mga anomalya.
Pangatlo, dapat independent ang mga itatalang board members sa ahensiya — walang kapit sa kung kani-kanino sa gobyerno o sa mismong korporasyon para siguradong mababantayan angpondo.
Muling diringgin ng Senado ang usaping ito sa Agosto 11 at hiniling natin ang pagdalo ng mga representante ng COA, GCG at ng Philippine Government Electronic Procurement Service para magbigay-linaw sa usaping ito.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co




Comments