top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Phil Malditas, may tsansa sa 2023 FIFA Women's World Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 26, 2020
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 26, 2020





Isa pang magandang balita ang tinanggap ng Philippine Malditas matapos ihayag ng FIFA na bibigyan ng anim na siguradong pwesto ang Asya sa parating na 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Dahil dito, lumaki ang pagkakataon na pumasok ang mga Pinay sa pinakamalaking torneo ng Football sa buong daigdig matapos mag-muntikan na noong 2019.


Ang Europa lang ang mas maraming kalahok na 11 bansa. Bibigyan ng tig-apat na puwesto ang Aprika at Hilagang Amerika, tatlo sa Timog Amerika at isa galing Oceania.


Maliban sa anim, kukuha pa ng dalawang bansang Asyano na lumahok sa 10 koponang qualifying tournament laban sa lahat ng kontinente para matukoy ang huling tatlong puwesto at mabuo ang 32 koponan. Tig-dalawa ang kukunin sa bawat kontinente maliban sa Europa at Oceania na magpapadala ng isa.


Nabitin ang mga Pinay na makapasok sa 2019 FIFA Women’s World Cup sa Pransiya matapos matalo sa Timog Korea, 5-0, sa 2018 AFC Women’s Cup sa Jordan para sa ika-lima at huling tiket. Magsisimula ang qualifying tournaments ngayong 2021 para sa 2022 AFC Women’s Asian Cup sa India na gagamiting qualifier para sa World Cup.


Ang Estados Unidos ang kasalukuyang reyna ng FIFA Women’s World Cup. Noong 2019 ay kinatawan ang Asya ng Japan, Australia, Tsina, Thailand at Timog Korea.


Samantala, inilipat ng FIFA sa 2023 ang parehong Under-20 at Under-17 World Cup na dapat ay ngayong 2021. Ang Indonesia sa Under-20 at Peru sa Under-17 ang mananatiling punong abala ng mga nasabing torneo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page