Pharaoh Bell, patok sa 3-yo Maiden Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | April 10, 2022
Markado si Pharaoh Bell sa magaganap na 2022 PHILRACOM 3-Year-Old Maiden Stakes Race sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite, ngayong araw.
Patok sa mga karera tipsters ng programa si Pharaoh Bell na rerendahan ni jockey JA Guce sa distansyang 1,300 meter race subalit ayon sa ibang karerista ay hindi ito nakasisiguro na mananalo dahil mga tigasing kabayo rin ang mga kasali.
Pag-aari ni Elmer De Leon ng Bell Racing Stable, posibleng maging mahigpit na kalaban ni Pharaoh Bell ay sina Amor Mi Amor at Basket Of Gold na sasakyan nina dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardees Jessi Guce at Jonathan Hernandez ayon sa pagkakasunod.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1.2M na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kalahok ay sina Beat Da Boys, Cupid Song, Opportunity, Portsalt, Queen Louise at Thermodynamics. "Paniguradong bakbakan 'yan ang laki ng premyo kaya lahat naghanda sa karera," saad ni Valentino Cervantes, karerista.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P720,000 mapupunta sa second placer ang P240,000 habang tig- P120,000 at P60,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod, ang event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Ibubulsa ng fifth at sixth ang tig-P36,000 at P24,000.
Samantala, tiyak na aabangan din ng mga liyamadista ang pagtakbo ni Double Rock sa Condition Race (23) na pakakawalan sa pang-apat na karera.
Gagabayan ni jockey FS Parlocha, makakatagisan ng bilis ni Double Rock sina Oakhill Princess, Olympic Gold, Lion's Gate, Konzeelanz, Gensan Special at Sweetness sa distansyang 1,300 meter race.
Paniguradong suportado ng mga liyamadista si Double Rock. Ayon sa ibang karerista, partikular ang mga dehadista, posibleng magbigay ng magandang laban kay Double Rock ang kalahok na sina Oakhill Princess at Konzeelanz.
Hahamigin ng winning connection ang added prize na P20,000, may 11 karera ang inihain ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) kaya paniguradong masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments