top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Ph Men's Booters, babawi sa 2022 AFF Electric Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 23, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 23, 2022



Sisikapin ng Philippine Men’s Football National Team na makabawi at manalo ng malaki sa kanilang pagharap sa bisitang Brunei sa pagpapatuloy ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup sa Rizal Memorial Stadium ngayong Biyernes simula 6 p.m. Lalong mahalaga na magwagi ang Azkals matapos silang lumuhod sa Cambodia, 2-3, sa kanilang unang laro sa torneo noong Martes sa Morodok Techo National Stadium ng Phnom Penh.


Nasa parehong kalagayan ang Brunei matapos silang dumapa sa defending champion Thailand, 0-5, sa Kuala Lumpur noong Martes din. Isa pang talo ng Azkals o Brunei ay maaaring hudyat ng pagluho ng pangarap na mapabilang sa semifinals ng pinakamalaking torneo sa Timog Silangang Asya.


Laban sa Cambodia, disgrasya agad ang dumating sa Azkals at pinayagan ng depensa ang dalawang maagang goal nina forward Reun Bunheing sa ika-16 at midfielder Orn Chanpolin sa ika-20 minuto. Nakahanap ng pag-asa sa katauhan ni forward Kenshiro Daniels na lumikha ng goal sa ika-41 minuto bago mag-halftime at bumalik sa ika-55 minuto upang itabla ang laro sa 2-2 subalit naging maikli ang selebrasyon.


Nahuling natutulog muli ang depensa at inulo papasok ni Bunheing ang bola sa ika-59 minuto upang mabawi ng Cambodia ang lamang, 3-2, at walang nagawa si goalkeeper Kevin Mendoza Hansen. Napilitang magbago ng estratehiya si Coach Josep Ferre at isa-isang ipinasok ang mga reserba subalit hindi dumating ang inaasam na goal sa sumunod na 31 minuto.


Maaaring bumili ng tiket sa takilya at umaasa ang Azkals na mapupuno ang Rizal Memorial ng kanilang tagahanga. Magpapatupad pa rin ng health at safety protocol, pangunahin ang pagpapakita ng vaccination card at ID bago pumasok.


Sa ibang mga laro sa Grupo B noong Miyerkules, nilusutan ng Malaysia ang Myanmar, 1-0, at walang awang tinambakan ng Vietnam ang Laos, 6-0. Bumunot ng liban ang Singapore.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page