PH Int'l Badminton Jr Series: Berce at Tablante silver, Ramos at Pantuan bronze

by Kyle Shereen Bago (OJT) @Sports News | August 11, 2026

Photo: Sina Seanna Reign Berce at Psalm Tablante kasama ang kanilang coach nang mag-silver medal sa katatapos na Philippine International Badminton Junior 2026 Series. (pibjpixfb)
Nagpakitang-gilas ang mga pambato ng Pilipinas matapos mag-uwi ng isang silver medal at dalawang bronze medal sa Philippine International Badminton Junior 2026 Series sa GameVille Central Park, The Square Greenfield District, Mandaluyong City.
Nasungkit nina Seanna Reign Berce at Psalm Tablante ang silver medal matapos magtapos bilang 1st runner-up sa Under-15 Women’s Doubles. Sa finals, hinarap ng Pinoy duo ang Malaysian pair na sina Leanne Fong at X. Yan Liew. Naging dikit ang laban sa unang set matapos magtabla ang dalawang pares sa ilang bahagi ng laro.
Gayunman, nakalamang ang Malaysian duo at nakuha ang unang set, 21-19. Sa second set, nagpatuloy ang laban ng Pilipinas, ngunit muling nakalamang ang Malaysia at tinapos ang laro sa 21-13. Bagama’t hindi nakuha ang gold medal, ipinakita nina Berce at Tablante ang kanilang galing at sipag hanggang sa huling puntos ng laban.
Samantala, nag-uwi rin ng bronze medal sina Waqui Ramos at Stephen James Pantuan sa Under-19 Men’s Doubles. Umabot ang Pinoy pair sa semifinals ngunit natalo sa Malaysian team sa iskor na 21-16 at 21-17.
Hindi rin nagpahuli sina Nica Ysabel at Ellaikha Marie Canillo na nakakuha rin ng bronze medal matapos ang kanilang laban kontra Thailand sa Under-19 Women’s Doubles sa semifinals.
Naging dikit ang kanilang laro at kapwa nagpakita ng magandang depensa at mabilis na mga tira. Mula qualifying rounds hanggang finals, ipinakita ng mga Pinoy shuttlers ang kanilang determinasyon at husay sa bawat laban. Ang tatlong medalya ay nagsilbing dagdag na inspirasyon para sa mga batang manlalaro na patuloy na nagsisikap sa larangan ng badminton.





Comments