Delos Santos bronze sa 70-kg Asiad Weightlifting

by Gerard Arce @Sports News | September 26, 2026

Photo: Ang winning lift para sa bronze medal ni Albert Ian Delos Santos sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games 2026 70-kg weightlifting event. (pocmedia)
Matinding katatagan ang ipinamalas ng 2026 World Juniors champion Albert Ian Delos Santos upang tumuntong sa podium finish ng men’s 70kgs weightlifting event at lumikha ng bagong record upang ibigay sa Pilipinas ang ika-limang tansong medalya ngayong Sabado sa 20th Asian Games Aichi-Nagoya na ginanap sa Nagoya City Trad and Industry Center sa Nagoya, Japan.
Makikinitang third place na lamang ang pinaglalabanan kasunod ng mala-super power na puwersa ni North Korean weightlifter Ri Won Ju na nakamit ang gintong medalya at lumikha ng panibagong Games at World record sa kabuuang 349 lift at 198 kgs sa clean and jerk, para higitan si hometown bet Masanori Miyamoto ng Japan na kumarga ng world record sa snatch sa 154 kgs, ngunit kinapos sa clean jerk sa 188 kgs para sa kabuuang 342 para sa silver medal.
Binitbit naman ng pinakabatang weightlifter sa torneo ang kabuuang 324 kgs mula sa 141 sa snatch at 183 sa clean and jerk upang makuha ang unang medalya sa debut sa Asiad meet.
Dahil sa mga nairehistrong buhat, naitala ni Delos Santos ang mga bagong junior world record, na siya rin mismo ang nagtala na itinakda sa Asian Youth and Junior Weightlifting Championships noong nakaraang buwan lamang sa Tashkent, Uzbekistan, matapos magtala ng 180 kgs sa clean and jerk at kabuuang 321 kg sa nasabing kompetisyon.
Nasukat ang katatagan ng 20-anyos na tubong Zamboanga City nang mabigong higitan ang kanyang 141 kgs rekord sa ikalawang buhat sa snatch, matapos na pumalyang maiangat ang 143 kgs sa ikatlo at huling subok, upang maungusan ni Adkhamjon Ergashev ng Uzbekistan na bumuhat ng 142 kgs sa kanyang huling attempt. Gayunman, determinadong makuhang muli ang bentahe sa kabuuang buhat, bumitbit ng 178 kgs ang 2026 Tashkent Asian Junior Championship titlist at record holder para mahigitan ang Uzbek lifter.
Tinangka ni Ergashev na mabawi ang bentahe nang buhatin ang 180 kgs, subalit hindi nito nakumpleto, habang sa sumunod na tagpo ay pinatibay ni Delos Santos ang kanyang buhat ng kunin ang 181 kgs. Upang manatiling buhay ang pag-asa, kinarga ni Ergashev ang 181 kgs, subalit muling nabigo at tuluyang nakamit ng Pinoy phenom ang tansong medalya. Sa kanyang ikatlo at huling subok, binuhat ng pambato ng Universidad de Zamboanga ang 183 kgs.
Sa medal ceremony, bitbit ni Delos Santos ang larawan ng kanyang ama na si dating national weightlifter Alvin Delos Santos, habang ginagabayan ito ng ina na si Diwa at coach Julius Naranjo. Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa weightlifting matapos kapusin si Rosegie Ramos sa podium finish sa fourth place sa women’s 53kgs category.





Comments