by Info @Editorial | July 12, 2024

Sa panahon ngayon, patuloy na dumarami ang bilang ng mga kabataang nasasangkot sa mga krimen. Isa itong malalim na isyu na dapat bigyang pansin ng pamilya at pamahalaan.
Ang pagkasangkot ng mga menor-de-edad sa krimen ay isang indikasyon ng mas malalalim na problema sa ating lipunan, mga problemang hindi basta-basta maaaring palampasin o ipagwalang-bahala.
Mahigpit ang pangangailangan ng kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan, paaralan, Simbahan at ng komunidad upang maagapan ang paglala ng problemang ito.
Dapat palakasin ang mga programa na naglalayong mailayo ang kabataan sa masamang impluwensya. Kabilang dito ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, mga youth development programs, at mga pagsasanay sa tamang pagpapahalaga sa buhay at kapwa.
Dapat ding maging mas agresibo ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nagpoprotekta sa mga kabataan. Dapat magkaroon ng sapat na suporta para sa mga biktima ng karahasan at para sa mga kabataang naligaw ng landas.
Sa kabila ng mga ito, ang pinakamahalagang institusyon na maaaring makapagpatibay sa moralidad ng kabataan ay ang pamilya. Dapat maging modelo ng tamang pag-uugali ang mga magulang at maging aktibo sa paggabay sa kanilang mga anak.
Sama-sama tayong kumilos upang maipakita sa mga kabataan na mayroong mas maliwanag na kinabukasan na naghihintay sa kanila kung pipiliin nila ang tamang landas.
Comments