top of page
Jericho Rosales Official - IG.jpg

Pagbabahay-bahay ng LGUs para sa vaccination drive, maging maayos sana

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 1, 2021
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 1, 2021



Upang mas mapalawak pa ang rollout ng COVID-19 vaccination, nagbabahay-bahay na ang mga local government units (LGUs) para sunduin at dalhin sa mga barangay ang mga babakunahan kontra COVID-19.


Kamakailan, matatandaang inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang kampanya sa COVID-19 vaccination upang maabot ang target na 70% ng kabuuang populasyon na maging fully vaccinated ngayong taon.


Gayunman, nakapokus ngayon ng nasyonal na pamahalaan sa pamamahagi ng suplay ng bakuna sa mga probinsiya matapos iprayoridad ang Metro Manila at iba pang lugar na nakararanas ng surge ng COVID-19 infections sa mga nakalipas na buwan.


Dahil dito, inaasahan ang pagbuhos ng suplay ng bakuna sa Calabarzon, Bicol, Central Luzon, Western Visayas at Central Visayas regions.


Kung tutuusin, hindi ito magiging madali at kailangan ng mas maraming pasensiya upang mas maraming mamamayan ang mabakunahan.


Bagama’t milyun-milyon na ang nabakunahan, marami pa ring nag-aalangan at ‘yung iba ay kumbinsidong hindi talaga magpapabakuna. Nariyan pa rin kasi ang takot sa side effects ng bakuna at ‘yung iba naman, nababahala dahil sa iniindang karamdaman.


Kaya pakiusap sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan na magbabahay-bahay, sana’y maipaliwanag nang maayos sa mamamayan ang kahalagahan at epekto ng bakuna.


Hangad nating makatulong ang hakbang na ito upang maabot ang target population na mabakunahan.


Kapag mas maagang naabot ang herd immunity, mas mabilis na makakabangon ang ekonomiya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page