PFL: Mainit ang duwelo ng Kaya Iloilo at Herb Cebu FC
Updated: Jan 18, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 17, 2023

Magbabalik-aksiyon ang Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways tampok ang maanghang na tapatan ng numero unong Kaya FC Iloilo at Dynamic Herb Cebu FC ngayong Pebrero 19 sa Iloilo Sports Complex. Tiyak na hindi magpapahuli ang limang iba pang koponan upang maagaw ang korona sa nalalabing Round 3 at 4 ng pambansang liga na tatakbo hanggang Hunyo.
Bago ang laro sa Iloilo ay bubuksan ang Round 3 ng mga laro ng defending champion United City FC kontra Mendiola FC 1991 at Stallion Laguna FC laban sa Maharlika Manila FC sa Pebrero 18. Inaayos pa ang oras at palaruan ng mga ito.
Sa pagtatapos ng unang 2 round noong Nobyembre ay mag-isa sa taas ng standing ang Kaya na may 30 puntos buhat sa 10 panalo at dalawang talo. Sinusundan sila ng United City na may 24 puntos mula sa 7 panalo, 3 tabla at 1 talo.
Pangatlo ang Cebu na may 21 puntos at sinusundan ng Azkals Development Team at Stallion na parehong may 15 puntos. Nasa ilalim ng liga ang Mendiola at Maharlika na may anim at isang puntos.
Samantala, inihayag ni PFL Commissioner Mikhail Torre na bubuksan ang 2023 Copa Paulino Alcantara sa mga koponan sa labas ng liga at palalawigin ito hanggang 16 kalahok ngayong Hunyo hanggang Setyembre. Iimbitahin ang mga varsity ng UAAP at NCAA, mga kinatawan ng Sandatahang Lakas at mga kampeon ng iba pang mga torneo sa mga lalawigan at Kalakhang Maynila.
Ang kokoranahang kampeon ng PFL ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2023-2024 AFC Champions League na lilipat na sa bagong kalendaryo sa Agosto. Ang magtatapos ng pangalawa ay tutuloy sa 2023-2024 AFC Cup kasama ang United City na nakapasok na sa bisa ng kanilang kampeonato sa 2022 Copa noong nakaraang Mayo.





Comments