PFL games, tampok ang 3 games sa Rizal Memorial
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 19, 2022

Tatlong matitinding laro ang nakatakda ngayong Sabado sa pagpapatuloy ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa makasaysayang Rizal Memorial Stadium sa Maynila. Parehong sisikapin ng mga bigating defending champion United City FC at Kaya FC Iloilo na manatiling malinis sa liderato ng liga sa magkahiwalay na laban.
Haharapin ng United City ang Dynamic Herb Cebu FC sa 8:00 ng gabi. Bago nito, maghahamunan ang Kaya at Mendiola FC 1991 sa 5:30 ng hapon habang bubuksan ang aksiyon ng Azkals Development Team at Maharlika Manila FC sa 3 p.m.
Mabagsik ang porma ngayon ng United City matapos magtala ng dalawang magkasunod na panalo sa Maharlika at Mendiola 1991 na parehong nagtapos sa 5-0. Umaangat ang laro ni Kenshiro Daniels na may 3 goal sa dalawang laro upang maging maagang numero uno sa paramihan ng goal sa liga.
Ganado ang Kaya nang magtala rin ng dalawang panalo sa Azkals, 1-0, at Cebu.
Aabangan kung mananatili ang kalidad ng laro ngayon nina Jarvey Gayoso at Daizo Horikoshi na bumida laban sa Dynamic Herb noong nakaraang Linggo.
Unang tagumpay ang hahanapin ng Mendiola upang makaiwas na lalong mabaon sa ilalim ng liga. Kakalimutin na ang 5-0 pagyuko sa United City na ginanap sa Imus City Grandstand sa Cavite kasabay ng mga laro sa Rizal Memorial.
Kahit bigo sa unang laro kontra sa Kaya, 1-0, malaki pa rin ang potensyal na ipinamalas ng Azkals lalo na ang bagong goalkeeper na si Julian Schwarzer na malaking dahilan bakit nahirapan makapuntos ang kalaban. Nandiyan pa rin ang beteranong si Stephan Schrock upang gabayan ang kanyang mga nakababatang kakampi.
Mga laro ngayong Sabado – Rizal Memorial Stadium: 3:00 PM Azkals Development Team vs. Maharlika Manila; 5:30 PM Kaya Iloilo vs. Mendiola 1991; 8:00 PM United City vs. Dynamic Herb Cebu





Comments