PFF at PFL, ihahain ang plano sa PSA online forum
- BULGAR

- Sep 1, 2020
- 1 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | September 1, 2020

Ilalatag ng pamunuan ng Philippine Football Federation (PFF) at Philippines Football League (PFL) ang kanilang mga plano para sa nalalabing bahagi ng taon sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum ngayong Martes. Haharap sa mga mamahayag sina PFF President Mariano Araneta at PFL Commissioner Mikhail Torre simula 10:00 ng umaga.
Pangunahin sa mga tatalakayin ang bagbabalik sa ensayo ng mga koponan ng PFL sa buwan na ito at ang pormal na pagbubukas ng ika-apat na taon ng liga. Sakop ang PFL sa Joint Administrative Order na pinapayagan ang mga propesyonal na atleta na mag-ensayo muli.
Malalaman ang mga detalye ng paghahanda ng PFL at mga koponan. Unang inihayag ng liga na plano nilang gawin lahat ng mga laro sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.
Mag-uulat din tungkol sa mga pambansang koponan matapos ipagpaliban ng Asian Football Confederation (AFC) at ASEAN Football Federation (AFF) ang lahat ng kanilang mga torneo. Karamihan ng mga apektadong palaro ay inilipat na para sa 2021. Mapapanood ng live ang pulong balitaan sa pahina sa Facebook ng PSA at sa Radyo Pilipinas 2.
Samantala, hindi pinalad ang kapitan ng Philippine Azkals na si Stephan Schrock na umabante sa AFC Greatest Goals Bracket Challenge sa www.the-afc.com. Lamang mula ng pagbukas ng botohan noong Sabado, natalo bigla si Schrock ng alamat ng Vietnam na si Le Cong Vinh sa Round of 16 matapos bumuhos ang boto para sa Vietnamese sa huling dalawang oras bago ito nagwakas noong Lunes ng hapon.




Comments