Gilas Women silver, Australia gold sa FIBA 3x3 Asia Cup
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 6, 2026

Photo: FIBA 3x3
Umulit ang defending champion Australia sa palaban na Gilas Pilipinas, 18-9, sa pagtatapos ng FIBA3x3 Asia Cup Singapore 2026 Linggo ng gabi sa OCBC Square. Ito ang ika-apat na sunod na kampeonato ng Aussies at kabuuang pang-anim subalit makasaysayan ang unang medalya ng mga Pinay sa torneo mula 2019.
Umarangkada ang Australia, 6-0, at inabot ng halos apat na minuto nang nakapuntos si Kacey dela Rosa. Lumaki ito sa 18-7 bago humabol ng dalawang buslo si Cheska Apag sa huling 30 segundo para sa huling talaan. Hinirang na MVP si Kristy Wallace na beterana rin ng WNBA.
Sinamahan siya sa Team of the Tournament nina Afril Bernardino ng Gilas at Zhang Zhiting ng Tsina. Sa elimination noong Biyernes binigo ng Australia ang Gilas, 21-10, at walisin ang Grupo D.
Pasok pa rin sa playoffs ang Pilipinas sa bisa ng 19-10 tagumpay sa qualifier Tonga sa nauna nilang laro. Ibang bangis ang ipinamalas ng Gilas at pinauwi ang paborito Mongolia sa quarterfinals, 15-12.
Sinundan ito ng mas nakakapanabik na 21-19 pagtakas sa Japan sa semifinals at itakda ang pangalawang sa sagupaan sa Australia. Nabawi ng Tsina ang pangatlong puwesto sa 20-15 panalo sa Japan.
Sa panig ng kalalakihan, kampeon sa unang pagkakataon ang Aotearoa New Zealand na sinundan ng Timog Korea at Tsina.
Nagtapos na pang-anim ang Gilas Men nang matalo sa mga Koreano sa quarterfinals, 15-18. Malaking angat pa rin ito kumpara sa ika-15 noong 2025 kung saan hindi lumampas sa qualifier ang mga Pinoy.




Comments