Petecio, pinayuhan ni 'Onyok' na durugin ang Japanese foe
ni Gerard Arce - @Sports | August 02, 2021

Hindi naaalis ang malaking pangamba kay 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco na baka magkaroon ng hometown decision kaya kinakailangang ipakita ng buong todo ni 2019 AIBA World champion at women’s featherweight finals-bound Nesthy Petecio sa mga hurado ang pagiging agresibo at dominante sa laban kontra sa crowd-favorite na si Sena Irie ng Japan sa kanilang gold medal bout sa Martes, Agosto 3, bandang alas-12:05 ng tanghali sa Kokugikan Arena sa Tokyo, Japan.
“Kailangang ma-dominate ni Nesthy ang laban simula 1st round, 2nd round at 3rd round. Dapat bugbugin niya 'yan ng todo o di kaya ay i-knockout niya para walang masabi dahil kung tabla-tabla lang at palit-palitan lang ang laban, malamang may kalalagyan tayo diyan, lalo na’t 1st time ng Japan na manalo ng gold sa women’s boxing,” pahayag ng nakababatang Velasco sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono. “Hindi puwedeng mawala yan (dayaan) kase host sila, kaya kung hindi talaga madomina ito ni Nesthy, malamang na mangyari yan,” dagdag ng 47-anyos na minsang nakasungkit ng gold medal sa light-flyweight sa Japan noong 1994 Hiroshima Asian Games.
Matatandaang naging biktima ng masaklap na scoring at judging ang boxer-turn actor noong Atlanta Olympics nag makatapat sa gold medal match si eventual champion Daniel Petrov Bujilov ng Bulgaria na nagtapos sa 6-19. “Malaki ang chance ni Nesthy, kailangan lang talaga na i-sure ball niya, pero kung magdikit ang laban, tiyak maaaring magkaroon ng hokus-pokus,” bulalas ni Velasco.
Ito rin ang sentimyento ng older brother ni Onyok na si 1992 Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco, na nangangamba rin vs. Japanese foe. “Siyempre nangangamba rin. Sana hindi na maulit,” saad ni Velasco sa mensahe sa online interview.
Nakapasok sa final round si Petecio nang talunin sa round-of-32 si Marcelat Sakobi Matshu ng Congo, No.1 rank Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei sa round-of-16, Yeni Arias ng Colombia sa q'finals at Irma Testa ng Italy sa semis, habang nalampasan ni Irie sina Yamileth Solorzano ng El Salvador, Khouloud Himi ng Tunisia, Maria Nechita ng Romania at ang kontrobersyal na laban kay Kariss Artingstall ng G.Britain sa semis na nagtapos sa 3-2 iskor.





Comments