Petecio, inspirado kay Diaz, babanat ng golden performance
- BULGAR
- Jul 28, 2021
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 28, 2021

Walang planong tumigil sa pangarap na makuha ang inaasam na gintong medalya sa 2020+1 Summer Olympic Games si 2019 AIBA World boxing champion Nesthy Petecio sa pakikipaglaban ngayong araw para sa quarterfinals ng women’s featherweight division sa Kokugikan Arena sa Tokyo, Japan.
Nakatakdang harapin ng 29-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur ang Columbian boxer na si Yeni Arias matapos talunin sa 3-2 split decision si No.1 rank at 2018 World titlist na si Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei nitong Lunes. Maghaharap ang 2019 SEAG gold medalist at ang 30-anyos na Pan-American 3rd rank sa unang laro ng 10 a.m.
“Walang problema sa preparations namin next fight, andiyan lagi ang coaches ko na pinag-aralan 'yung susunod kong kalaban,” wika ni Petecio matapos ang panalo kontra sa Taiwanese boxer na hawak ang 5’9 na katangkaran at reach advantage.
Sakaling makalusot ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist laban sa Columbian opponent ay makakatapat nito sa semifinals ang mananalo kina 2015 Toronto Pan-American Games champion Caroline Veyre ng Canada o kay 2016 Rio Olympics participant at 2019 European Championship titlist Irma Testa ng Italy, na nagwagi laban kay Micahela Walsh ng Ireland, 5-0.
Isang kontrobersyal na tawag naman ang nagbigay ng masaklap na pagkabigo kay four-time SEA Games judoka champion Kiyomi Watanabe ng bigyan ng Ippon na puntos o full-point ang katunggaling si Cristina Cabana Perez sa kanilang elimination game, Martes ng umaga, sa Nippon Budokan Arena.
“Mali yung tawag. Mali yung desisyon,” naghihinagpis na pahayag ni Philippine Judo Federation David Carter sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono.
Gayunpaman, sinabi na lamang na babawi sila sa susunod at mas pagbubutihan pa ang preparsyon at paghahanda sa mga darating na kompetisyon, higit na sa 2024 Paris Olympics.





Comments