Personal na kinumusta ang mga biktima.. P-BBM, ininspeksyon na ang Abra
ni Lolet Abania | July 28, 2022

Nagtungo na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Abra ngayong Huwebes ng umaga upang alamin ang sitwasyon sa lugar matapos ang napakalakas na lindol nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), lumipad si Pangulong Marcos patungo sa lalawigan pasado alas-8:00 ng umaga.
Sa Abra, iinspeksiyunin ng Pangulo ang mga naging pinsala na idinulot ng lindol habang magkakaroon ng briefing hinggil sa isinasagawang rescue and relief operations, sabi ng OPS.
Umalis si Pangulong Marcos sa Manila kasama si Special Assistant to the President (SAP) Secretary Antonio Lagdameo Jr., Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Jose Faustino Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo.
Pinangunahan din ng Pangulo ang isang situation briefing sa Abra.
Sa isang Facebook post, ayon kay Tulfo nais ni Pangulong Marcos na personal na masaksihan ang search and rescue gayundin ang relief operations sa lugar.
"PBBM gustong makita ng personal ang search and rescue at relief operation ng iba’t ibang ahensya sa earthquake devastated areas," pahayag ni Tulfo.
"Nais din ng Pangulo ng personal na kumustahin ang mga biktima at makiramay sa mga namatayan," dagdag ni Tulfo.
Sa isang radio report, nang dumating si Pangulong Marcos sa Vigan, Ilocos Sur, agad din itong nagtungo sa Abra Provincial Hospital.
Sa ngayon, wala pang impormasyon kung bibisitahin din ng Pangulo ang ibang mga lalawigan na apektado ng lindol.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang 6AM report ngayong Huwebes, nasa 4 ang patay at 131 iba pa ang nasaktan sa Abra.
Nasa kabuuang 12,945 indibidwal o 3,456 pamilya sa 149 barangay sa Cordillera, ang apektado naman lindol, batay sa report.
Gayundin, 541 pamilya ang nananatili sa loob ng 21 evacuation centers, habang 567 indibidwal o 128 pamilya ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.





Comments