Perpekto pa rin ang Saints, Titans, 'di pinaporma sa NAASCU
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 10, 2022

Nakatitiyak na ang defending champion Saint Clare College of Caloocan na sila ang numero unong koponan sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament matapos ang 84-74 panalo sa Enderun Colleges Miyerkules ng gabi sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Nanatiling perpekto ang Saints sa 5-0 panalo-talo habang bumaba ang Titans sa 4-1 papasok sa huling araw ng elimination round ngayong Biyernes.
Malamya ang simula at Saints at pinayagan nilang lumamang ang Titans sa first half, 48-42. Nagbago ang timpla ng laro sa third quarter kung saan nilimitahan ng depensa ang Saint Clare ang Enderun sa dalawang free throw lang sa unang 5 minuto sabay init ng shooting nina John Edcel Rojas, Babacar Ndong at ang bagong pasok na si Jolo Sumagaysay para sa 66-59 lamang at hindi na nila binitiwan ito.
Nanguna si Rojas na may 22 puntos. Pumukol si Sumagaysay ng apat na 3-points para sa 12 puntos sa 12 minuto at ang kanyang huling tres ang nagtayo ng pinakamalaking lamang ng Saints, 80-69, at tatlong minuto ang nalalabi.
Sa mga sumunod na laro, naitala ng Philippine Christian University ang ikalawang sunod na tagumpay at tinakasan ang Technological University of the Philippines, 64-63. Napako sa 64 ang Dolphins sa huling 5 minuto subalit nabitin ang paghabol ng Gray Hawks at hindi naipasok ni Carl Angelo Bringas ang malapitang tira sabay tunog ng huling busina.
Namuno sa PCU si Mark Edison Ordonez na may17 puntos at reserba Eduard Zeller III na may 12 puntos. Sinuportahan sila nina Yannick Dje na may 11 puntos at 12 rebound at Carlo Eusebio na may 10 puntos.
Umakyat sa ikatlong puwesto ang Our Lady of Fatima University at winakas ang kampanya ng Manuel L. Quezon University, 72-52. Tumabla ang Phoenix sa nagpapahingang AMA University sa 3-2 habang maagang nagpaalam ang Stallions na walang tagumpay sa anim na laro.





Comments