Permanenteng solusyon sa paulit-ulit na paglikas at paggastos 'pag nag-aalburoto ang Mayon
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 23, 2023
Sa tuwing mag-aalburoto ang Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay ay awtomatikong inililikas ng lokal na pamahalaan ang mga residente na naninirahan sa 6 kilometer danger zone upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa hindi kontroladong sitwasyon.
Hindi naman sa naiinip tayo sa pagputok ng bulkan dahil siyempre mas mabuti kung hindi na pumutok para walang mapahamak pero hindi rin maganda na sa tuwing mag-aalburoto ang bulkan ay inililikas natin ang mga residente dahil bukod sa pagod ay bilyong pisong gastos pa.
Nitong nakaraang linggo, sa ilalim ng ating Bayanihan Relief Operations ay binisita natin ang ating mga kababayang inilikas sa iba’t ibang evacuation center na nakapuwesto sa labas ng 6 km radius na itinuturing na permanent danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon.
Personal nating pinuntahan ang mga pamilya na nasa evacuation center sa iba’t ibang bayan sa paligid mismo ng bulkan gaya ng Santo Domingo, Malilipot, Guinobatan, Camalig, Daraga at Tabaco City.
Mahigit sa 4,229 pamilya ang binahaginan natin ng P5,000 cash assistance bawat isa at may mga nabigyan din ng mga inihanda nating food packs dahil alam natin na mahirap ang kanilang kalagayan sa mga evacuation center.
Kapuri-puri ang mga lokal at panlalawigang pamahalaan ng Albay dahil sa maagap nilang pagkilos hinggil sa kaligtasan ng kanilang mga kababayan ngunit tila mas mabuti kung mabibigyan ng permanenteng solusyon ang madalas na paglikas ng mga residente.
Hindi naman kasi maiiwasang may panahong nag-aalburoto ang Bulkang Mayon at katunayan ay maraming turista ang dumarayo sa Albay para panoorin ang napakagandang paglabas ng lava sa gabi at nagpapalakpakan pa tuwing lumiliwanag ang tuktok ng bulkan.
Ang ibig kong sabihin ay puwedeng maging positibo ang pag-aalburoto ng bulkan at mapalakas pa ang turismo kung wala nang iniintindi ang pamahalaan na may mga kababayan tayong dapat ilikas dahil nasa delikadong kalagayan.
Maiiwasan pa ang ulat na may ilang hindi naman sakop ng 6 km radius na kusa nang nagsisilikas dahil una ay talagang natatakot din ngunit hindi rin maiiwasan na may mga lumilikas at nagtutungo sa mga evacuation center dahil lamang sa nais nilang makinabang sa ayuda.
Hindi naman ipinagdadamot ng pamahalaan ang ayuda ngunit hindi tamang samantalahin ito ng mga kababayan nating hindi apektado ng kalamidad, lalo pa at pinaglalaanan ito ng pondo para maitawid natin ang kasalukuyang sitwasyon.
Ito na rin ang napansin ng Office of Civil Defense (OCD) na kasalukuyan nang pinag-aaralan kung may posibilidad ba na permanente nang pagbawalan ang mga tao na manirahan sa nasasakupan ng 6 km danger zone ng Mayon.
Alam ng ahensya na paulit-ulit at mapanganib sa mga residente ang bumalik pa sa kanilang tahanan dahil sa madalas na pag-aalburoto ng bulkan, ngunit maraming insidente na ng paglikas ang nauwi lang sa muli ring pagbalik sa kanilang tahanan dahil wala namang pagputok na naganap.
May punto ang pananaw ng OCD, marahil ay panahon na para magkaroon ng permanenteng tirahan ang mga inilikas na residente sa labas ng 6 km danger zone at payagan na lang silang magsaka ngunit hindi na pahihintulutan sa delikadong bahagi pa manirahan, para wala ng inililikas tuwing mag-aalburoto ang bulkan.
Ngunit kailangan ito ng masusing pag-aaral, isang malaking hamon ito sa panig ng pamahalaan dahil hindi basta-basta maisasaisantabi na marami sa mga residente ay halos diyan na nanirahan simula pa ng kanilang mga ninuno.
Marami ang nagmana ng ekta-ektaryang lupain na pinagkukunan ng kanilang kabuhayan kaya habang pinag-iisipan ang permanenteng solusyon hinggil sa kaligtasan ng mga residente ay makabubuting pag-ibayuhin muna ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon.
Kailangang palakasin ang sistema, komunikasyon at mga kagamitan kung paano maililikas sa mabilis at ligtas na lugar ang mga residente na nasa danger zone sakaling biglaang pumutok ang bulkan sa hindi inaasahang pagkakataon.
Hindi naman puwedeng pagkatiwalaan ang bulkan na hindi puputok sa tuwing ito ay mag-aalburoto dahil mismong ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang nagpapatotoo na hindi ito ligtas.
Sa ngayon, walang problema dahil sapat umano ang pondo para sa 90 araw o 3 buwan dahil nasa P1.3-B ang inilaan ng pamahalaan para sa pagkain, hygiene kit at iba pang pangangailangan ng mga inilikas na residente.
Kaya lang, kung wala na sanang residente sa danger zone ay maaari pa nating magamit ang pondo para mas mapaunlad ang lalawigan ng Albay at hindi ‘yung paulit-ulit tayong napapagod at gumagastos dahil lang sa nag-alburoto ang bulkan.
Nakaalerto ngayon ang pamahalaan sakaling umakyat sa Alert level 4 o mas mataas pang alerto ang bulkan dahil tiyak na dodoble ang kailangang ilikas dahil lalaki ang sakop ng danger zone.
Isa pa sa dapat na isaalang-alang ay ang kalagayan ng mga mag-aaral na nanunuluyan sa nasasakupan ng 6 km danger zone dahil panahon na ng tag-ulan at hindi malayong magsabay ang baha at pagbuga ng lava sakaling lumala ang sitwasyon.
Alam kong medyo mahirap sa panig ng pamahalaan ng lalawigan ng Albay kung paano maisasaayos ang mga residenteng nasa danger zone, pero walang imposible kung pag-aaralan at kahanga-hanga kung ito ay maisasakatuparan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments