Permanenteng evacuation center, kailangan na
- BULGAR
- Jul 28, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 28, 2024

Inanunsyo na ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa mga paaralan dahil sa epekto ng nagdaang bagyo.
Bukod sa nawasak ang mga silid-aralan at pasilidad, mayroon namang nagsilbing evacuation center sa mga nasalanta.
Halos kada taon ay ganito ang sitwasyon. Kapag may bagyo, apektado ang lahat kasama na ang edukasyon.
Puna ng publiko, ang mga pagpapaliban na ito ay resulta umano ng kapabayaan ng gobyerno sa paghahanda para sa mga sakuna at kalamidad.
Halos nasanay na lang ang mga guro at estudyante na tuwing may kalamidad ay mapuputol ang paghahatid ng edukasyon.
Ano’ng nangyari sa mga plano at pondo para mabilis na maayos ang mga silid-aralang nasira? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa naaprubahan ang matagal nang panukala na permanenteng evacuation center?
Ang pagkakaroon ng permanente at maayos na evacuation centers ang isa sa mga dapat iprayoridad ng gobyerno sapagkat ang bansa ay lantad sa kalamidad.
Mahigit 20 bagyo ang nananalasa sa bansa kada taon. May pagputok din ng bulkan at paglindol.
Kawawa ang mga apektado na walang masilungan sa oras ng pangangailangan.
Nakaligtas nga sa kalamidad, buwis-buhay naman sa evacuation center na siksikan, puwedeng magkahawaan ng sakit, walang maayos na supply ng malinis na tubig at maaari pang malusutan ng krimen.
Simula na ng paghagupit ng mga bagyo, sana simulan na rin ang pagpapatayo ng mga evacuation center.



Comments