top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Permanent validity ng birth, death at marriage certificates, lusot na sa third reading

BULGAR
May 30, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 30, 2022


AN ACT PROVIDING FOR THE PERMANENT VALIDITY OF THE CERTIFICATES OF LIVE BIRTH, DEATH, AND MARRIAGE ISSUED, SIGNED, CERTIFIED, OR AUTHENTICATED BY THE PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY (PSA) AND ITS PREDECESSOR, THE NATIONAL STATISTICS OFFICE (NSO) AND THE LOCAL CIVIL REGISTRIES, AND THE REPORTS OF BIRTH, DEATH, AND MARRIAGE REGISTERED AND ISSUED BY THE PHILIPPINE FOREIGN SERVICE POSTS.


Ito ang kabuuan ng nilalaman ng Senate Bill No. 2450 na mas kilala sa tawag na Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act na ang inyong lingkod mismo ang principal author at sponsor.


Nagsumite rin ng kani-kanilang panukala sina Sen. Francis Pangilinan, Sen. Ralph Recto, Sen.Win Gatchalian, Sen. Joel Villanueva, Sen. Joel Angara, Sen. Grace Poe, Sen. Nancy Binay at Sen. Cynthia Villar.


Walang kumontra sa botong 21-0 na naging dahilan kaya agad na naaprubahan ang Senate Bill No. 2450 na naglalayong maging permanente na ang bisa ng birth, death at marriage certificates na nilagdaan, sertipikado at authenticated ng Philippine Statistics Office (PSA).


Tiyak na matutuwa ang marami nating kababayan sa pagkakaapruba sa ikatlo at pinal na pagbasa dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay palaging napakahaba ng pila sa tanggapan ng PSA para kumuha lamang ng bagong certificate.


Karaniwan ay mga kababayan nating naghahanap ng trabaho at ang iba naman ay mga overseas Filipino workers (OFWs) na dahil nais muling magbalik sa ibang bansa ay kailangan na namang kumuha ng bagong dokumento.


Higit na kaawa-awa ay ang mga kababayan nating naghahanap lamang ng trabaho at isa sa requirements ay ang birth certificate at marami ang inaabot na ng ilang taon ngunit hindi pa rin nakakakita ng trabaho at ang resulta ay muli na naman silang pipila sa PSA para kumuha na naman ng bagong certificate.


Ngunit dahil sa batas na ito ay malaking ginhawa at kaluwagan pa sa ating mga kababayan dahil sa mababawasan na sila ng panahon sa pagpila at maiibsan pa sila ng gastos sa pamasahe sa pagtungo sa PSA.


Marami rin kasing recruitment agency na kahit wala pang hawak na job order ay nangangalap na ng tao at inihahanda na nila ang mga papeles ng mga taong nais magtrabaho sa ibang bansa at isa sa kanilang requirements ay bagong birth certificate.


Sa kasulukuyan kasi ay may kulay ang papel na ginagamit ng PSA sa birth certificate kaya kitang-kita agad kung luma na ang kopya ng isang indibidwal at dahil sa pag-aakala ng marami na napapaso ito kapag may bago ng kulay ay naoobligang kumuha na naman ng panibago.


Dahil nga sa laging kumukuha ng bagong birth certificate ang marami nating kababayan ay hindi maiiwasan na may ilang sangay ang PSA na medyo magulo ang sistema ngunit marami rin namang maayos.


Sa mga sangay na medyo dinadagsa ng tao ay dito rin naglipana ang mga fixer na kahit pinaghuhuli na ng mga nakatalagang guwardiya ay nakagagawa ng sistema para makapambiktima lamang ng mga nais kumuha ng certificate sa mabilis na paraan.


Ilan sa madalas mabiktima ay ang mga kababayan nating may problema sa spelling ng pangalan, kasarian, petsa o lugar ng kapanganakan at dahil may katagalan at medyo kumplikado ang proseso nito ay dito na pumapasok ang mga fixer.


Sa totoo lang, wala naman talagang kakayahan ang fixer na baguhin ang mga pagkakamali sa isang birth o marriage certificate dahil maayos at mahigpit ang prosesong sinusunod sa PSA.


Kaya karaniwan ay pekeng marriage o birth certificate ang ibinibigay sa mga nais magpalakad at nakapagtataka lamang ay kung saan sila kumukuha ng orihinal na papel na ginagamit sa pekeng certificate.


Ang lahat ng katiwaliang ito ay naglipana sa lahat ng sangay ng PSA ngunit wala namang kinalaman ang pamunuan ng PSA dahil maging sila ay matagal nang pinoproblema ang mga fixer na ito na nagpapakilalang kanilang mga empleyado.


Katunayan ay may mga nakapaskil sa loob at labas ng PSA na mag-ingat at huwag makikipagtransaksiyon sa mga fixer ngunit sadyang magagaling ang mga ito at palagi pa ring nakalulusot sa mga sangay ng naturang ahensiya.


Karaniwang biktima rin ang mga kababayan nating nagmamadali sa pagkuha ng certificate, lalo na ‘yung mga estudyanteng tumakas lang sa eskuwela at mga ordinaryong manggagawa na saglit lang pinayagan sa kani-kanilang pinapasukan.


Dahil sa haba ng pila sa pagkuha ng certificate ay naoobliga silang kumapit sa fixer na ang iba ay may kakutsaba talaga sa loob ng PSA at sa loob ng ilang saglit ay maikukuha ka ng orihinal na certificate kapalit ng malaking halaga.


Ngunit may mga fixer na wala namang kakutsaba sa loob ngunit agad na makagagawa ng birth o marriage certificate sa loob lamang ng ilang minuto ngunit peke at tiyak na ikapapahamak pa ng nagpalakad.


May kahalintulad ding batas na pumasa sa House of Representative noong Abril 2021 na nagsasabing ang naturang mga dokumento ay mananatiling may bisa hangga’t nababasa, hindi pa sira at hindi pa nawawala ang mga security features.


Sa ngayon ang naturang batas ay magkakaroon ng deliberasyon sa bicameral conference committee na binubuo ng mga representante mula sa Senado at Kamara na siyang hihimay sa mga hindi pagkakatugma-tugma ng parehong batas na pumasa.

Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page