Perez at Lassiter, bumida sa Beermen vs. Road Warriors

ni GA - @Sports | June 11, 2022

Ipinaramdam ng San Miguel Beermen ang kanilang malalim na roster nang pahintuin ang NLEX Road Warriors upang makahirit ng sariwang two-game winning streak sa bagong kumperensya sa bisa ng 100-92, kahapon sa 2022 Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ginamit ng Beermen ang nakuhang lakas sa third period upang wasakin ang 12 na kalamangan ng NLEX sa first half upang maihirit ang maagang 2-0 kartada sapol pa noong 2019 Governors Cup.
Kumarga para sa Beermen si CJ Perez sa 19pts, 6 rebounds, 5 assists at 3 steals para pangunahan ang opensiba ng koponan, habang nag-ambag ng 18pts si Marcio Lassiter, Vic Manuel sa 14pts, Chris Ross sa 13pts at Jericho Cruz sa 10pts.
Maagang humarurot ang Road Warriors sa first period nang kunin ang 10-pt lead sa 33-23 ni Justin Chua patungo sa 8 puntos na kalamangan sa 33-25. Nabitbit ng Road Warriors sa biggest lead nito na 37-25 mula sa dalawang free throws ni Oftana sa 11:18 ng second period. Bahagya itong natapyas sa 37-31 sa mini-run ng Beermen mula sa free throws ni Manuel. Muli itong naiangat sa 10-pt lead sa tres ni Paul Varilla sa 46-36 sa 6:12 ng laro. Subalit paunti-unti itong tinapyas ng Beermen mula sa pagtutulungan nina Ross, Fajardo, Lassiter, Perez, Von Pessuml at Rodney Brondial upang maibaba sa 3 puntos sa 53-50 sa halftime.
Kumana sa 4th period ang pagtutulungan nina 6-time PBA MVP Fajardo, Moa Tautuaa at Perez upang hindi na bitawan ang bentahe sa final period.
Muling sasabak ang San Miguel sa Hunyo 17 kalaban ang kapatid na Magnolia Timplados Hotshots, habang mauunang subukang mabawian ng NLEX ang utol na TNT Tropang Giga sa Hunyo 16 sa Ynares Center. Mga laro ngayong araw: Sabado (Ynares Center-Antipolo) 3:00 n.h. – Northport Batang Pier vs Terrafirma Dyip 6:00 n.g. – Meralco Bolts vs Phoenix Super LPG.





Comments