Pera palit benepisyo sa DSWD, scam!
ni Ryan Sison - @Boses | July 22, 2022
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga nananamantala sa mahihirap na pamilya.
Ang babala ay kasunod ng pag-aresto sa isang Jay Lagrimas na nagpakilalang opisyal ng ahensya at nangolekta ng P350 hanggang P500 sa ilang pamilya sa Cagayan de Oro City.
Matapos umanong magpanggap na opisyal ng DSWD habang naka-uniporme at ID, nangako itong isasama sa listahan ng mga benepisaryo ang mga pamilyang nakuhanan ng pera.
Kasabay nito, binigyang-diin ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na hindi nangongolekta ng pera ang ahensya para maging benepisaryo ang mga pamilya dahil libre ang programa para sa mga kuwalipikadong aplikante.
Samantala, nagbabala rin ang kalihim na kakasuhan ang mga sangkot sa naturang panloloko, gayundin ang mga fixer sa labas ng ahensya.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil kung sino pa ang mga nangangailangan, sila pa ang target ng mga kawatan. Imbes na mapunta sa mga pangangailangan, masasamang loob pa ang nakikinabang.
Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, bilisan ang pagkilos upang matunton ang mga sangkot sa panlolokong ito at maparusahan ang mga dapat parusahan.
Kung tutuusin ay matagal na ang ganitong modus at marami nang nabiktima, kaya dapat matuldukan ito sa lalong madaling panahon upang wala nang mahihirap na maloko.
Paalala sa mga nais maging benepisaryo ng DSWD, direktang makipag-ugnayan sa mga opisina ng ahensya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments