Pera mula sa smuggling, pang pondo sa organisadong krimen*

ni Chit Luna @Brand Zone | June 2, 2023
Nagbabala si Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. laban sa pagbili ng mga smuggled na produkto na aniya ay pumopondo sa mga organisadong krimen sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas.
“In many instances, money generated from illicit trade is used to fund organized crime, resulting in heightened security risks both locally and internationally,” ani Lumagui.
Ibinunyag ni Lamagui ang "nakababahalang sitwasyon" sa Global Anti-Illicit Trade Summit na isinagawa kamakailan sa Taguig City kung saan mahigit na 120 lokal at dayuhang policy makers, tagapagpapatupad ng batas at negosyonte ang tumalakay sa mga nararapat na hakbang para tugunan ang problema sa illicit trade.
Sinabi ni Lumagui na ang ipinagbabawal na kalakalan ng mga produkto ay nagreresulta sa mas mataas na panganib sa seguridad sa lokal at internasyonal na merkado.
Ayon sa mga lokal at internasyonal na law enforcement agencies, ang mga organized crime networks ay kumikita ng bilyun-bilyon sa maraming lugar. Kabilang sa mga iligal na aktibidad nila ang human trafficking, money laundering, pagbebenta ng iligal na droga, armadong pagnanakaw, pandaraya, pangingikil, cybercrime at iba pa.
Ang pagbebenta at kalakalan ng mga puslit at hindi rehistradong sigarilyo ay isang dahilan din kung bakit nagkaroon ng 20 porsiyentong kakulangan ang BIR sa koleksyon ng excise tax, ani Lumagui.
Nabanggit din niya na ang problema sa mga smuggled goods ay tumawid na sa mag online marketplace at siya ay nangangako na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon laban sa pagbenta ng mga hindi rehistrado at at non-compliant na mga vape at heated tobacco products sa kabila ng patuloy na pagbebenta ng mga ito sa online shopping platforms tulad ng Lazada, Shopee at Facebook Marketplace.
Bagama't hindi siya nagbigay ng datos, ang target na koleksyon ng excise tax ng BIR para sa unang apat na buwan ng 2023 ay P112.37 bilyon.
Ayon sa pinuno ng BIR, ang malaking bahagi ng kakulangan ay nauugnay sa puslit na tabako.
Ipinakita ng Economist Impact, ang network na nag-sponsor ng summit, ang resulta ng pag-aaral na pinamagatang "Illicit Trade: Scale, Scope and Flows" upang kontrahin ang problema sa ipinagbabawal na kalakalan at ang isyu sa mga organisadong grupo ng krimen.
Tinipon ng naturang pag-aaral ang 1,6000 indibidwal na sentimyento mula sa 16 na bansa tungkol sa illicit trade at pekeng produksyon.
Inilarawan ng pag-aaral ang illicit trade bilang “global struggle” na nakakaapekto sa mga komunidad at negosyo.
Idiniin nito ang pangangailangang magsagawa ng mga reporma at repasuhin ang umiiral na mga hakbang na pinagtibay ng mundo upang kontrahin ang laganap na ilicit trade dahil sa mga digital na transaksyon.
Sa mabilis na pagusad ng teknolohiya, ang kasalukuyang mga aktibidad na ginagawa ay dapat muling suriin, ayon sa ag-aaral.
Sinabi naman ni Lumagui na sa Pilipinas, ang gobyerno ay nagpapatupad ng mga hakbang para iresolba ang ipinagbabawal na kalakalan, partikular na ang kinasasangkutan ng mga produktong tabako.
Kabilang dito ang pangangailangan para sa pinagbuting border control at pagpapahusay ng mga intelligence network at pagtutulungan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas lalo na ang BIR, Bureau of Customs at ang mga local government units.
Ang isa pa ay ang komprehensibong legal framework sa pagbebenta at pangangalakal ng mga produkto hindi lamang sa mga "brick-and-mortar" na mga tindahan, kundi pati na rin sa mga online platforms, e-commerce sites at mga alternatibong merkado.
Dapat bigyan ng mas malaking diin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga naaangkop na batas at regulasyon laban sa illicit trade at dapat magpasa ng mga bagong batas laban sa ipinagbabawal na kalakalan, dagdag ni Lumagui.
Inamin ni Lumagui na ang 36,000 kilometrong baybayin ng Pilipinas ay nagsisilbing malaking hamon sa pagsisikap ng gobyerno na pigilan ang illicit trade ng sigarilyo. Ang Pilipinas ang may ikalimang pinakamahabang baybayin sa mundo, at ito ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga awtoridad na subaybayan ang buong kapuluan.
Nangako ang BIR chief na magpapatupad ng mga hakbang para matugunan ang iligal na kalakalan sa bansa tulad ng walang tigil at pinaigting na mga aktibidad sa pagpapatupad ng kalakalan, nationwide information at public awareness campaign at pagsisikap na i-upgrade ang kasalukuyang track-and-race system ng ahensya, upang masubaybayan at ma-regulate ang pagbebenta ng mga produktong dapat patawan ng excise tax, partikular ang mga sigarilyo.
Nangako din si Lumagui na nakatuon ang BIR para makamit o malagpasan pa ang target na excise tax collection.





Comments