Pensyon ng mga maralitang senior ang dapat taasan, ‘di sa pagbibigay ng confi funds sa mga trapo
- BULGAR
- Oct 6, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 06, 2023
PARA TUMAAS ULI ANG RATING, DAPAT TANGGALIN NI P-BBM SA KANYANG GABINETE ANG MGA TRAPONG NANGHIHINGI NG CONFI FUNDS --Tanggap ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang double digits na pagbaba ng kanyang rating sa mga survey dahil nga raw masyadong nagmahal ang presyo ng bigas.
Sa totoo lang, hindi lang naman ang mahal na presyo ng bigas ang pinakaugat ng problema ng bansa ngayon, kundi pati ang confidential funds na hinihingi ng mga ahensya na ang namumuno ay mga trapo (traditional politicians).
Tanggalin lang ni P-BBM sa kanyang Gabinete ang mga trapo na nanghihingi ng confi funds, malamang sa susunod na survey, tumaas uli ang kanyang rating, period!
◘◘◘
DAPAT TODO-AYUDA SA MAGSASAKANG PINOY AT IPAWALANG-BISA NA ANG RICE TARIFF LAW NI EX-P-DUTERTE PARA BUMABA ANG PRESYO NG BIGAS --Inanunsyo ni Senior Undersec. Domingo Panganiban ng Dept. of Agriculture (DA) na posible raw bumaba sa P36 per kilo ang lokal na bigas dahil sa dami ng ani ng palay ng mga magsasakang Pinoy.
Kung ganu’n, dapat nang ipawalang-bisa ni P-BBM ang pahirap na Rice Tariffication Law ni ex-P-Duterte na nagbigay ng kapangyarihan sa mga rice importer na mag-angkat nang mag-angkat ng imported rice na ibinebenta sa mahal na presyo sa merkado, at ang gawin na lang ng Marcos admin ay magbigay ng todong ayuda sa mga magsasakang Pinoy para mas dumami ang ani ng palay upang mas mapababa pa ang presyo ng lokal na bigas at maibalik sa merkado ang murang NFA rice, period!
◘◘◘
BABANTOT ULI ANG IMAHE NG KONGRESO KAPAG ‘DI TINANGGAL AT BINAWASAN LANG ANG CONFI FUNDS NG MGA TRAPO -- May nakuhang impormasyon si Albay Rep. Edcel Lagman na hindi raw lahat ng ahensya na walang mandato sa law enforcement at national security ang aalisan ng Kongreso ng confidential funds, dahil ang ibang ahensya raw na ang namumuno ay trapo, tatapyasan lang daw ng konti ang confi funds.
Hay naku, pabango na nga ang imahe ng Kongreso dahil sa nauna nilang sinabi na lahat daw ng ahensyang walang mandato sa law enforcement at national security ay tatanggalan nila ng confi funds, tiyak babantot na naman ang kanilang (Kongreso) imahe kapag ang ginawa nila ay hindi tinanggal at binawasan lang ang confi funds ng mga trapo, period!
◘◘◘
SANA NAGPOKUS SI SEC. PANGANDAMAN SA PAGBIBIGAY NG MATAAS NA PENSION SA MGA MARALITANG SENIOR CITIZENS, AT ‘DI SA PAGBIBIGAY NG CONFI FUNDS SA MGA TRAPO -- Nanawagan si Sen. Joel Villanueva kay Sec. Amenah Pangandaman ng Dept. of Budget and Management (DBM) na dagdagan o taasan ang monthly pension ng mga indigent senior citizens.
‘Yan ang dapat ginawa ni Sec. Pangandaman, ang taasan ang monthly pension ng mga maralitang senior citizens lalo’t pati mga gamot na pang-maintenance ay tumaas na rin ang presyo. Kaya lang ang masaklap, mas nagpokus ang DBM sec. sa pagbibigay ng confi funds sa mga ahensya na ang namumuno ay mga trapo, buset!





Comments