Pelicans, Spurs at Grizzlies, maiinit ang banta sa Play-in
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 3, 2022

Desperado na ang Los Angeles Lakers na maisalba ang kanilang kampanya subalit kinapos sa pagbabalik galing pilay nina LeBron James at Anthony Davis at nanaig sa kanila ang New Orleans Pelicans, 114-111, sa NBA kahapon mula sa Smoothie King Arena. Lalong nalagay sa alanganin ang Lakers dahil nagwagi ang San Antonio Spurs sa Portland Trail Blazers, 130-111, upang tumibay ang kapit sa huling upuan sa Play-In Tournament ngayong Abril 12.
Ipinasok ni CJ McCollum ang dalawang free throw na may 9 na segundo na orasan, 114-111, at nagmintis ang tres ni James sabay tunog ng huling busina at nabitin ang kanilang huling hirit. Bunga ng mga resulta, umakyat ang Spurs sa 32-45 habang 31-46 ang Lakers at parehong may limang laro pa sa kanilang kalendaryo.
Dalawa sa pinakamainit na koponan ang nagtapatan at humaba sa pito ang sunod-sunod na panalo ng Memphis Grizzlies matapos pigilin ang numero unong Phoenix Suns, 122-114. Kahit wala ang mga bituin ay nagpadala ng mensahe ang Grizzlies sa Suns na abangan sila sa playoffs simula ngayong Abril 16.
Kinumpleto ni Dillon Brooks ang bihirang 4-point play upang palayuin ang Memphis na may 32 segundo sa orasan, 114-106. Mula roon ay sumandal ang Grizzlies sa shoot ni Kyle Anderson at anim na free throw ni De’Anthony Melton at putulin sa siyam ang panalo ng Phoenix.
Namuno si Brooks na may 30 puntos sa gitna ng pagliban nina Jaren Jackson Jr., Steven Adams at Ja Morant. Nalampasan ng Memphis ang pagpapalabas kay Coach Taylor Jenkins sa second quarter matapos ang labis na pagreklamo sa reperi.
Kung naghihintay na lang ng mga makakalaro sa playoffs ang Suns at Grizzlies, naantala ang pormal na pagpasok ng Dallas Mavericks at tinambakan sila ng Washington Wizards, 135-103. Nagtala ng 35 puntos si Kentavious Caldwell-Pope habang 24 puntos ang dating Mavs na si Kristaps Porzingis.





Comments