PDEA tinalo ng drug lord, ginawang tulak gamit pa ang opisina
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 12, 2022
Napakataas nang pagtingin ng marami nating ating kababayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ngunit sa isang iglap ay biglang gumuho dahil sa pagkakaaresto ng ilan sa kanilang tauhan na umano’y sangkot sa recycling ng illegal drugs.
Hindi ordinaryo ang iskandalong ito dahil mismong PDEA Southern District Office chief ang nasakote kasama ang kanyang dalawang agent at isang driver sa loob mismo ng kanilang tanggapan sa A. Bonifacio St., Barangay Upper Bicutan, Taguig City.
Bandang alas-9: 00 ng gabi noong nakaraang Martes nang salakayin ng elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tanggapan ng PDEA at nakakuha ng P9.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu at iba pang paraphernalia.
Napakapanghihinayang ang napakagandang imahe ng PDEA na sa pangyayaring tulad nito ay hindi natin maiaalis sa isip ng marami nating kababayan na mag-isip na matagal na itong nangyayari at posibleng hindi lamang sa PDEA Southern District Office (SDO).
Hindi natin alam kung paano makaaahon ang PDEA o kung makaaahon pa dahil sa napakahabang panahon ay wala naman tayong ibang inaasahan na seryosong nakikipaglaban sa ilegal na droga kung hindi ang ahensyang ito.
Sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ay maraming insidente na ng illegal drugs recycling ngunit sila mismo ay nasasakote ang kanilang kabaro at buong giting nilang inihaharap sa media at sinasampahan ng kaso para papanagutin.
Ibig sabihin, naligaw man ng landas ang kaanib ng PNP at nasangkot sa pagbebenta ng bawal na gamot ay kaanib din ng PNP ang lumilinis sa kanyang hanay at hindi sila pumapayag na hindi ito wakasan.
Napakabigat talaga ng problema natin sa ilegal na droga, malaking kayamanan ang kumakaway sa bawat transaksyon na karaniwan ay hindi matanggihan ng ilan sa ating mga kababayan at hindi dito ligtas ang mga kaanib ng PNP at ngayon nga ay buong istasyon ng PDEA.
Sa kasong ito ng PDEA, paano nangyaring pumutok na sa underworld ang pangalan ng isa sa kanilang opisyal, dalawang ahente at kanilang driver na hindi man lamang nila naamoy ang operasyon ng mga ito.
Kung ganitong buong istasyon na ang ginagamit sa pagbebenta ng ilegal na droga ay posibleng matagal na nila itong ginagawa kaya nga umabot na sa intelligence gatherings ng pamunuan ng NCRPO na siyang namuno sa pagsalakay.
Kaya hindi natin masisisi ang ating mga kababayan na mag-isip na posibleng may basbas ang ginagawang pagbebenta ng buong istasyon ng PDEA-SDO dahil masyadong malakas ang kanilang loob na isagawa ito lalo pa ang gamit nilang gusali ay pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Taguig City.
Ngayon hindi na natin tiyak kung magiging positibo pa ang resulta ng isasagawang imbestigasyon ng pamunuan ng pinagsanib na PNP at PDEA dahil maging ang kataas-taasang tanggapan ng PDEA ay damay sa iskandalong ito kaya karagdagang problema ito.
Hindi naman natin tinututulan ang pagsasanib-puwersa ng PNP-PDEA para sa isasagawang mga imbestigasyon dahil hindi naman lahat ng kaanib ng PDEA ay sangkot sa illegal drugs recycling ang sinasabi lang natin ay hindi malayong pagdudahan ng ating mga kababayan ang resulta nito.
Tiyak namang bago sinalakay ng elemento ng NCRPO ang tanggapan ng PDEA-SDO ay nagkaroon sila ng mahabang surveillance, test buy at ibang kailangan kaya nga tagumpay ang kanilang operasyon at malaking accomplishment ito sa panig ng PNP.
Ayon sa pahayag ng NCRPO ay grabe ang ginawang pagbebenta ng shabu sa mismong tanggapan ng PDEA-SDO na halos nasa dulo lang ng ilong ng lokal na pamahalaan ng Taguig City, kaya kailangan talagang salakayin.
Hindi rin malayong isipin ng ating mga kababayan na hindi lang sa PDEA-SDO nangyayari ang ganitong illegal drugs recycling dahil posibleng ito lang ang nabuko pero matagal na itong nangyayari sa mga istasyon ng PDEA sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nakadagdag pa ang galit ng pamahalaan ng Taguig City sa PDEA-SDO na ngayon ay sinuspinde na ang suporta sa naturang tanggapan baka nga naman hindi isipin ng taumbayan na may kinalaman din dito ang lokal na pamahalaan.
Hindi pa man din nasisimulan ang isasagawang imbestigasyon ng pinagsanib na puwersa ng NCRPO at PDEA ay may mga bumubulong na posibleng magkaroon ito ng cover-up, kaya mas mabuti umano kung NCRPO na lamang.
Bilang mambabatas ay maaga pa para husgahan ang kabuuan ng PDEA, ngunit dahil hindi naman nasasangkot sa ganitong iskandalo ang PDEA ay marami ang nalungkot dahil inaasahan nila ang husay ng ahensyang ito.
Kung pati PDEA nga naman ay tinalo na ng mga drug lords at ginawa pang katulong sa kanilang distribusyon ay paano na ang ating mga susunod na lahi? Sana naman ay magawan ng paraan ng PDEA na makaahon sa pagkakalugmok sa sitwasyon na ito.
Sana lang PDEA rin ang nakahuli sa kanilang istasyon na nagtutulak ng shabu, kaso NCRPO pa ang nakasakote kaya doble-kahihiyan pa ang kanilang inabot!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments