PCR at zero audience, isinusulong sa IATF ng boxing at contact sports
- BULGAR

- Jul 8, 2020
- 2 min read
ni MC - @Sports | July 8, 2020

Nagdesisyong ilapit ng pamunuan ng Games and Amusement Board (GAB) na kinakatawan nina Chairman Abraham Kahlil B. Mitra at Commissioner Mar Masanguid sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang kalagayan ng mga propesyonal na manlalaro na apektado ang kalagayang pinansiyal bunsod ng kawalan ng hanapbuhay na isa sa masamang epekto ng COVID-19 pandemic.
Umapela ang mga kinatawan ng GAB sa IATF para sa paunti-unting pag-usad ng mga aktibidad na may kinalaman sa propesyonal na laro at libangan sa kondisyong ito ay tumatalima sa specific health protocols na itinalaga ng DOH.
Nakipag-usap ang GAB sa mga kinatawan ng DOH at PSC Technical Working Group upang buuin ang Joint Administrative Order (JAO) na naglalaman ng patnubay sa pagsasagawa ng mga health-enhancing physical activities at income generating professional sports events sa gitna ng pandemic.
Iprinisinta ni USEC Brigido Dulay ng Foreign Affairs for Civilian Security and Consular Concerns ang JAO sa mga miyembro ng IATF upang pagtibayin na, pagkatapos ng mga diskusyon at argumento na bilang paglilinaw ay agarang umani ng pag-apruba ng IATF.
Ang pag-apruba ng IATF ay nangangahulugan na pinapayagan na ang pagsasagawa ng mga pagsasanay na gawain ng mga propesyonal na manlalarong basketball at football sa mga low risk areas. Matatandaang ang PBA at PFF ay humiling sa GAB ng ayuda upang payagan silang makapag-ensayo.
“Nagpapasalamat kami sa IATF sa pagdinig sa hinaing ng maraming propesyonal na manlalaro na halos 4 na buwang nabakante o tumamlay ang aktibidad upang paghusayin ang kanilang mga sarili sa mga larong kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Ang pag-apruba ng IATF ay isang magandang development sa kalagayan ng propesyunal na laro sa panahon ng pandemic,” pahayag ni Mitra. “Sana ang mga isports gaya ng boxing and other contact sports ay umani rin ng katulad na pagpayag ng IATF. Sa kasalukuyan ay may mga inaayos pa na protocols sa pagsasagawa nito gaya ng PCR testing at ng zero audience pansamantala kung kinakailangan upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19, basta makita lang natin na umuusad at muling nabubuhay ang kalagayan ng propesyonal na laro sa ating bansa,” aniya.





Comments