PBBM, walang colon cancer — Castro
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | February 12, 2026

Photo: Presidential Communications Office
Pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyon na na-diagnose umano ng colon cancer si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ginawa ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag matapos magbahagi ng larawan si dating presidential spokesperson Harry Roque ni Pangulong Marcos, kung saan pinalalabas umano na tila may suot itong colostomy bag, sa dinaluhang public engagement nito kamakailan.
“‘Yun na nga po ang masama kasi mga rumors, mga tsismis, walang katotohanan na nakakapanira sa gobyerno, nakakapanira sa Pangulo na nakakaapekto sa ekonomiya,” diin ni Castro sa Palace briefing.
Kasabay nito, tinawag ni Castro si Roque na isang “fake news peddler”.
“Nakita naman po natin ang video, iyong kabuuan kung saan itinaas pa po mismo ng Pangulo ang kanyang mga kamay habang siya ay kumakaway sa ating mga kababayan,” patuloy ni Castro.
“At kitang-kita po na ang sinasabing larawan o ipinakitang larawan ni Harry Roque ay pawang kasinungalingan lamang,” hirit niya.
Bunsod nito, hinikayat ng Palace official ang publiko na huwag paniwalaan ang naturang alegasyon.
“Huwag na po tayong maniwala at nakikiusap po tayo. Huwag na po natin dalhin sa anumang usapan ang mga fake news peddlers katulad nila,” dagdag ni Castro.
Matatandaang pansamantalang nagpahinga ang Pangulo sa kanyang mga public engagements at nagsagawa muna ng mga private meetings matapos ma-diagnose na may diverticulitis.








Comments