top of page
Search
  • BULGAR

PBBM, kung aminado sa malalang trapik, MMDA Chief, palitan ng traffic expert

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Abril 10, 2024



MGA PORK BARREL POLITICIANS NA NABUBUHAY SA BUWIS, MGA NAGSIPAGPUGAY SA KAGITINGAN NG MGA PINOY NA NAGBUWIS NG BUHAY PARA SA BAYAN -- Kahapon ay ipinagdiwang sa bansa ang Araw ng Kagitingan, ito ay paggunita sa mga magigiting na bayani, katipunero at mga sundalo’t pulis na nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol sa ating Inang Bayan.


At sa selebrasyong ito ay ang daming pork barrel politicians ang nagsipag-epal na mga nag-post sa social media na kesyo nagpupugay daw sila sa mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa ‘Pinas.


Ika nga, kung may mga magigiting na Pilipinong nagbuwis ng buhay para sa ating bayan ay may mga nabubuhay naman sa buwis, at sila iyong mga pork barrel politicians, boom!


◘◘◘


DAPAT ANG PRIORITY BILL, KUNG PAANO MAPAPABABA ANG PRESYO NG BILIHIN AT BAYARIN, AT HINDI ANG ROTC -- Sa Araw ng Kagitingan ay nagpalabas ng statement si Senate President Migz Zubiri na gagawing priority bill daw ng Senado ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).


Sa totoo lang, hindi naman nagsipag-ROTC sina Lapulapu, tribal leader, na lumaban sa puwersa ni Ferdinand Magellan; Andres Bonifacio na namuno sa mga katipunero sa paglaban sa mga Kastila at Luis Taruc na nagtatag ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap), at maging ang mga Pilipinong nakasama nilang nakiisa sa paglaban sa mga mapanakop na dayuhan ay hindi rin naman nagsipag-ROTC, pero dahil sa pagmamahal nila sa ating bayan ay nilabanan nila ang mga mananakop na dayuhan.


Ang nais nating ipunto rito, ang dapat i-priority bill ng Senado sa pamumuno ni SP Zubiri ay pagpapababa sa presyo ng mga bilihin at bayarin, at hindi ‘yang ROTC, kasi hindi solusyon ang ROTC sa nararanasang paghihirap ngayon ng sambayanang Pinoy, period!


◘◘◘


FAKE NEWS ANG IBINIDA NI PBBM NA MAY KAMPANYA ANG ADMIN NIYA LABAN SA KAGUTUMAN -- Sa pulong nina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at World Food Programme (WFP) Executive Director Cindy McCain ay ibinida ng Presidente na may kampanya ang kanyang administrasyon laban sa kagutuman.


Pati ang WFP pini-fake news ni PBBM kasi sa totoo lang, hindi naman nararamdaman ng mga maralita na may kampanya laban sa kagutuman ang gobyerno, at bilang patotoo ay iyong lumabas na survey ng SWS noong January 2024 na 12.6% o 12.6 pamilyang Pinoy ang nagsabi na patuloy silang nakakaranas ng gutom dahil sa hirap ng buhay, tsk!


◘◘◘


DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SI MMDA CHAIRMAN ARTES -- Aminado si PBBM na malala na ang problema sa buhol-buhol na trapik sa Metro Manila.


Kung ganu’n, dapat na niyang sibakin sa puwesto si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes at palitan ng traffic expert, at baka sakali na ang ipapalit niya kay Artes ay may pamamaraan kung paano maibsan ang malubhang trapik sa Metro Manila, boom!


◘◘◘


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page