PBBM, hawak ang ebidensya vs. Sara
- BULGAR

- Jul 13
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 13, 2026

Photo: File / Panfilo Lacson - Senate of the Philippines
Hindi maaaring suportahan ni Senator-Judge Panfilo "Ping" Lacson ang pagbubukas ng "green box" ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte kung wala ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. alinsunod sa itinatakda ng batas.
Ginawa ni Lacson ang reaksyon matapos iutos ng Senate impeachment court presiding officer, Senator Francis Escudero, na ibalik sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tinatawag na “BIR box”.
“Kapag sinubpoena, wala siyang written authority from the president, hindi namin puwedeng pakialaman ‘yan dahil labag sa batas ‘yun. Papayagan lang namin ma-unseal 'yan kung kumpleto yung rekado,” saad ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson, hindi siya maaaring makibahagi sa anumang hakbang na lalabag sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema. Binigyang-diin din niya na maging ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas.
"Kung pilit i-unseal without the written authority of the President, I will vote against it. That will be my personal vote na gagawin. Kasi ayokong masisi balang araw na part ako ng nag-violate ng batas," ani Lacson.
Nang tanungin kung maaaring ituring na pagpapakita ng pampulitikang paninindigan ng Pangulo sa impeachment ng Bise Presidente ang pagbibigay nito ng awtorisasyon, sinabi ni Lacson na hindi iyon ang dapat alalahanin ng Impeachment Court.
Nakatakdang dinggin ng Impeachment Court ngayong linggo ang oral arguments kaugnay ng hiling na magpalabas ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bangko.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang paghawak sa income tax return (ITR) records ng Bise Presidente ay dapat nakabatay lamang sa batas at sa umiiral na jurisprudence.
Binigyang-diin niya na dapat lamang payagan ng Impeachment Court ang pagbubukas ng mga rekord kung natugunan ang lahat ng rekisitos ng batas, kabilang ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo sa ilalim ng Section 71 ng NIRC.





Comments