PBA, magbubukas na sa first week ng Setyembre
ni Gerard Arce - @Sports | August 23, 2021

Inaasahan na ang muling pagbabalik ng naipagpalibang elimination round ng 46th season ng Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa mga unang linggo ng Setyembre.
Inihayag ni PBA Commissioner Willie Marcial na maaari nang magpatuloy sa kanilang pagsasanay ang mga koponan ngayong huling linggo ng Agosto bago ang muling pagbubukas ng mga laro na naipagpaliban pansamantala dulot ng paglalagay sa Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa muling pagdami ng kaso ng COVID-19.
Nakatakdang magbalik sa probinsiya ng Pampanga ang 12-koponan at idaos ang ilang mga laro sa isang semi-bubble set up o closed-circuit set up sa Don Honorio Ventura State University Gymnasium sa bayan ng Bacolor.
“Bibigyan namin ng isang linggong ensayo, then resume na ang laro,” wika ni Marcial, kung saan unti-unti ng magtutungo ang mga koponan sa mga napiling hotels gaya ng Quest Hotel, Air BnB (Big House Villa) at Supia Resort sa Angeles.
Matapos makakuha ng pagsang-ayon sa Inter Agency Task Force (IATF) na magpatuloy muli ang kanilang laro sa mga nasasakupan ng mas maluwag na quarantine protocols gaya ng General Community Quarantine (GCQ) o Modified (GCQ), hinihintay na lamang umano ng pamunuan ng liga ang aprobasyon ng pamahalaan ng Pampanga.
Halos nakakuha na ng kalahati ng mga laro ang ilang koponan sa Ynares Arena sa Pasig City nang magsimula ang bakbakan noong Hulyo 16, hanggang sa matigil muli ito noong Agosto 4 bilang pagsuporta at pagsunod sa kautusan at direktiba ng pamahalaan na mapigilan ang mas lalong paglala at pagkalat ng salot na karamdaman.
Ibinaba ng muli sa Modified ECQ ang buong National Capital Region simula Agosto 21-31 matapos ilagay sa ECQ ito noong Agosto 6 hanggang 20 bilang pag-iingat sa mas tumitinding kaso ng Delta variant sa bansa, kung saan nagtala ng one day record-high na 17, 231 nitong Biyernes.
Kahit man aminadong bitin sa ibibigay na 1-week training bilang preparasyon sa muling pagbubukas ng mga laro, sinabi ni TNT Tropang Giga assistant coach Mau Belen na naihanda naman nila ang mga manlalaro bago pa man magbukas ang liga ng magtungo sila sa Batangas at Ilocos bubble para sa preparasyon, gayundin ang online workouts na ginagawa nila sa kani-kanilang bahay.





Comments